Monday, October 23, 2006

ETSA-PUWERA: LUMALAON BUMUBUTI, SUMASAMA KAYSA DATI?













KEITH BUENAVENTURA
CARMELA CEMBRANO
PAMANTASANG ATENEO DE MANILA
OKTUBRE 2006






Magandang
Araw!
Bilang panimula ng ating diskusyon
Ukol sa nobelang Etsa-Puwera,
Halina’t buksan muna natin
Ang bawat pahina ng ating panitikan at
Yakapin ang karikta’t karunungang hatid nila...
’Tena, igan!

Salita: Ugat ng Pagpapakahulugan sa Akda

Ang salita ay sinasabing pinakamaliit na yunit ng komunikasyon sa isang natural na lengguwahe o wika. Ito ay maaaring gamitin bilang isang simbolo – ng mga bagay, kilos, damdamin, pag-iisip, konsepto o simbolo at maging ng iba pang salita. Ayon sa “Referential Theory” nina Plato (427-347 BC) at Aristotle (384-322 BC), ang sinumang di nakakaintindi o nakakaalam ng isang partikular na salita ay maaaring ituro nito ang pinatutungkulan ng salitang iyon upang ito’y mabigyan ng pakahulugan. Samakatuwid, ang isang salita o pangalang walang mapatungkulan (referent sa Ingles) ay walang saysay. Naiwasto lamang ito (o sabihin nating nabigyan ng mas malalim pang pag-aaral) ni Ludwig Wittgenstein (1899-1951) sa kanyang “Philosophical Investigations” nang ipaliwanag niyang makikilala ang kahulugan ng salita kapag nalaman ang gamit at paraan ng paggamit nito sa isang partikular na laro ng wika (language game). Ginamit ni Wittgenstein ang terminong ito upang bigyang-diin na ang paggamit o pagbigkas sa wika ay bahagi lamang ng isang gawain o uri ng pamumuhay ng mga tao.

Minabuti naming simulan ang papel na ito sa salita dahil ito ang batayan upang mabigyang kahulugan ang nais ipabatid ng akdang ito, na nagkataong isang nobela. Pumili kami ng pitong salita o parirala na sa palagay namin ay nangangailangan ng isang malalim na pagtalakay tungkol sa kahulugan nito, maging literal man o patambis. Katulad ng isang halamang lumaki sa ilang at walang mapagpalang kamay na mag-aruga, ito ay kailangang hukayin at ilipat sa matabang lupa ng pagpapala upang kung malinang na, ang bunga ay maging kapaki-pakinabang.

Salita Literal na Kahulugan (mula sa diksiyonaryo) Kahulugan Ayon sa Konteksto
1. alumpihit (p.2) Walang malamang gawin, balisa Hindi mapalagay, may iniisip
2. buho (p.3) Isang uri ng kuwago Nakakatakot na ibon
3. tinitikis (p.4) Sadyain Gawaing pinag-isipan
4. sisipatin (p.5) Silipin, tanawin Dungawin kung ano’ng nangyayari
5. binagtas (p.7) Dinaanan tinangka
6. malipol (p.160) Mapatay, mapuksa Masamang karanasan o pangyayari
7. punsyon (p.232) Pagpapalabas Engrandeng palabas


Higit sa lahat, ang salita ay nagkaroon ng napakalaking papel sa pakikipaglaban para sa kalayaan. Ayon kay Adrian E. Cristobal sa kanyang paunang salita ukol sa nobela, ang mga Pilipinong mag-aaral at distiyero noong panahon ng pananakop ay gumamit ng iba’t-ibang pamamaraan katulad ng pagpapakalat ng polyeto, pamamahayag, debate at oratoryo upang palaganapin ang kanilang bisyon at mithiing makabansa sa kanilang mga kababayan.

Etsa-Puwera Bilang Isang Akdang Moderno

Kung ihahambing mo sa ibang akda ang nobelang ito, maiisip mong may pagkakahawig ito sa ilang kuwentong moderno. Taglay din nito ang katangiang pinanghahawakan ng ibang akda (gaya ng “Ang Tikbalang” ni Tony Perez at “Kas” ni Honorio Bartolome de Dios). May kanya-kanya silang pinaghuhugutan ng panulat subalit may pagkakapare-pareho pa rin ang anyo at nilalaman ng kanilang obra. Kung kaya’t upang lalong mapatunayang modernong akda nga ang nobelang ito, minabuti naming iangkop ito sa pilosopiya ni Ihab Hassan ukol sa pitong sumpa ng modernismo.

i. Urbanismo
Walang ganitong bagay o konsepto sa isang tradisyunal na akda. Dumating ito sa bansa kasabay ng mga dayuhang mananakop. May sari-sarili silang pananaw ukol sa kung ano ang nararapat na sibilisasyong umusbong sa Pilipinas. Noong panahon ng mga Kastila, gaya ng nakatala sa akda, ito ang pangunahing layunin ng mga misyonero upang maituro sa mga katutubo ang dapat nilang malaman. Ipinakilala nila ang reduccion bilang simula ng maayos na sibilisasyon. Tinawag nila ang lahat ng tao at bininyagan sa ngalan ng Kristiyanismo. Pinahalik bilang simula pagkilala sa Kristo, sa Papa sa Roma, sa Hari ng Espanya. Maging mga taong-bundok o yaong mga do’n na lumaki’t nagkamalay ay isinama sa ibaba upang tuluyang maging ganap ang kolonisasyon sa bansa.

Sa ngalan ng urbanismo, tatlo ang dapat na yakapin ng mga katutubo – ang simbahan, pamahalaan at paaralan. Lahat ng maliliit na yunit ng lipunan na noo’y kilala bilang barangay ay tinayuan ng tatlong higanteng institusyong ito. Kailangan ang simbahan para sa kaluluwa at konsiyensiya na rin ng buong bayan. Kinatatakutan ito hindi lang sa kadahilanang impiyerno ang hantungan ng ‘di magpapasakop dito kundi sa hawak din nito ang halos lahat ng sikreto ng parokya (na nagaganap sa kumpisalan). Kaya nga nagtaka si Padre Kiko nang biglang walang nangumpisal sa mga katutubo dahil may binabalak pala itong himagsikan. Ikalawa, itinatag ang pamahalaan bilang sandigan ng lahat ng batas at regulasyon ng tao at ng simbahan. Maging ito’y sentralisado mula sa Hari ng Espanya, Viceroy ng Mehiko at Gobernador-Heneral ng bansa hanggang sa mga principalia at encomendero ng bawat lupain. Ang ikatlo at pinakamahalaga sa lahat ay ang institusyong magdudulot sa bayan ng pormal na edukasyon. Ito ang hahango sa kahirapan ng bawat taong magkakamit nito. Ang tatlong ito ay siya ring dala-dala ng mga Amerikano at Hapones ng tayo’y sakupin din nila. Kaiba nga lang sa mga Kastila dahil hatid sa’tin ng mga sumunod na dayuhan ang demokrasya, protestantismo at iba pang ideolohiya-ideolohiya.

ii. Teknolohismo
Tunay ngang inalipin ng teknolohismo ang mga katutubong kinabibilangan ng mga nuno ng Sion. Hindi alam ng mga Pilipino ang pinairal na divide et impera ng mga Kastila. Pinag-away-away sila at nang mapilayan ang isa’y parehong pinabagsak ng mga dayuhan ang dalawang paksyon. Malakas sila lalo na’t hawak nila ang kung anong bakal na pinuputukan ng lason sa kanilang katawan sang-ayon sa mga katutubong bihasa lamang sa mga itak at palaso. Bahagi lang ito ng modernong pag-iisip na patuloy na aalipin sa kanila hangga’t ‘di nila ito natututuhan ding gamitin.

iii. Dehumanisasyon
Sa isang akdang moderno, makikita mong may iba’t-ibang salamin ng pagkatao’ng nakikita ng ibang tauhan sa isang modernong indibidwal. Halimbawa: iba ang pagkakakilala kay Sion ng kanyang asawa, kumpara sa kapatid, ina, pamangkin, apo at iba pa. Kung sisinupin, parang napaghahati-hati ang kanyang pagkatao at ipinamimigay sa iba-ibang tauhan. At kung titingnan pa ang mas malaking larawang sumasakop sa sitwasyong ito ni Sion, halimbawa’y sipatin natin ang buong Pilipinas at mga Pilipino, tiyak kong masasabing iba ang pagkakakilala sa atin ng mga dayuhan sa ibang bansa – at, ito na’ng simula ng dehumanisasyon ng isang tauhan.

iv. Antinomiyanismo
Etsa-Puwera: mga Pilipino rin na kabahagi ng lipunan ngunit laging natatapakan, nakakaligtaan. Sa pamagat pa lamang, halata nang may bansag na kumakahon sa mga tauhan. Ito ang bansag na kailanma’y kanilang panghahawakan. Oo, tanggap nila ang ganitong taguri mula pa kay Oysang hanggang sa pamangkin ng Sion. Subalit ang pagiging etsa-puwera nila’y sa kanila na lang at di na maipapasa pa gayong may lahi pang susunod sa Sion – si Ebong. Minabuti ng batang Sion na burahin na sa kanyang pagkatao ang pagiging bahagi ng bansag na ito at itanim sa puso’ng alaalang minsa’y nanggaling siya sa angkan ng mga etsa-puwera. Tanggap man o hindi, ‘di pa rin niya matatakasan ang bansag na nagkahon sa kanilang angkan sa loob ng napakahabang taon.

v. Primitibismo
Ang pinakamagandang halimbawa ng manipestasyon ng pagiging primitibo ng ilang tauhan sa kuwento ay ang eksena nang kay Dune – ang panginoon ng mga Pulahanes. Alam nating nagulantang lang naman sila kaya’t agad-agad niyakap ang modernismo. Ang pagiging moderno nila ang nag-udyok sa kanilang bumalik sa nakagisnang pamumuhay. Ang aksyon ni Dionisio Balinghasay at mga katribo na bumalik sa tradisyunal na pananalangin, naging matagumpay man o hindi, ay di pa rin buung-buong maitutumbas sa tradisyunal. Makikita ito sa pagsambang ginawa nila sa mga anito, kasama ng mga imahen ng Katolisismo, dasal ng Kristiyanismo – mula sa Kastila, sa Papa sa Roma. Samakatuwid, anu’t-ano pa man ang gawin nilang pagtakas sa modernismo pabalik sa tradisyunal, makakarating sila don ngunit sa bisa ng pagiging primitibo lamang dahil mananatili pa rin silang mga modernong indibidwal.

vi. Erotisismo
Isang napakagandang halimbawa ng manipestasyon ng erotisismo sa akda ang pasyon ni Sion sa paghahabi ng kuwento sa banig at pagsasalin nito sa susunod pang lahi o inapo niya. Ito’y ‘di lang basta naging libangan niya kundi naging misyon na rin niya sa kaniyang buhay. Nais niyang ipabatid sa mga modernong indibidwal ang kanyang naging karanasan pati na ang kasaysayan ng lahi niya.

Liban dito, halos kapareho ng kalagayan ng mga Sion ang mga Tan-yan sa pagmamahal nila sa kasaysayan ng kanilang pinagmulang angkan. Pinili nilang maipatayo ang nuno nila ng bantayog sa plasa (nailipat sa simbahan) bilang pagbibigay-parangal sa kanya.

vii. Eksperimentasyon
Maaaring kilalanin bilang isang mapanghamong akda ang Etsa-Puwera ni Jun Cruz Reyes dahil sa taglay nitong kakaibang eksperimentasyon sa anyo at nilalaman na magbibigay kondisyon sa kung ano’ng tradisyunal at moderno. Sa kabuuan ng akda, hindi ba’t kakaiba ang naging tema nito kumpara sa iba pang akdang historikal o biyograpikal? Hindi mo rin kaya napansing halos lahat ng tala sa kasaysayan ng ating lipuna’y tungkol sa mga mayayaman, edukado at ilustrado?

Sa akdang ito, naging matapang si Jun Cruz Reyes na ilahad ang kuwento ng mga “bayani para sa kalayaan” na halos nalimutan na ng panahon – o kaya’y talagang nilimot na noon pa mang kapanahunan nila. Hindi natakot ang may-akda kung tatanggapin ba ito ng madlang mambabasa o hindi lalo na’t kaiba ito sa alam at nakagisnan nating bayaning Pilipino ngayon sakaling ilathala ito. Sabi nga madalas ng Sion: lumalaon bumubuti, sumasama kaysa dati. Ano kaya sa dalawa ang kalagayan ng mga etsa-puwerang tulad nila? At, sino naman kaya ‘yong isa?

Etsa-Puwera: Para sa Kanon ng Pambansang Panitikan?

Gamitin natin ang “Mga Hugis ng Kaisipang Filipino” (Patterns of Filipino Thoughts, 1989) ni Florentino Timbreza upang mapatunayang nararapat na makasama ang akdang ito sa kanon ng pambansang panitikan.

Ano ba ang tao? Hayop, gaya ng pagpatay ng mga Hapones sa mga anak ng Sion at iba pang tagabaryo. O, di hayop. Materyal. O ispiritwal gaya ng Dune. Baka naman isinilang upang mamatay gaya ng Sion. Ang pagiging tao’y isang mabigat na suliranin. Ang buhay ay isang kalituhan. Malaking hiwaga ang pagiging tao. Ilan lamang ‘yan sa napakaraming pilosopiya ng buhay. Kung gayon, ano nga ba ang tugon ng tao sa kanyang suliranin? Hindi siya mapalagay. Uhaw siya sa tunay na kahulugan ng kanyang buhay. Naghahanap siya ng kaliwanagan. Lahat nang iyan ay makikitang sinasalamin sa akda.

Ano ngayon ang pilosopiya ng buhay ng mga Pilipino? Ito ay kalipunan ng kanilang pananaw tungkol sa kalikasan ng buhay na hinulma ng dinamikong pakikibaka, pakikipagsapalaran at pakikisalamuha ng mga taong-bayan sa kanilang kapaligiran at sa iba’t-ibang kalagayang panlipunan, sampu ng kanilang kalikasang pambayolohiya na hinubog rin ng pangkasaysayang pagsulong.

Meron itong tatlong sangkap:
i. Pananaw ukol sa buhay ng tao sa daigdig
ii. Paniniwala ukol sa kabuluhan ng buhay
iii. Isang sistema ng pagpapahalaga na nagsasaad ng pamantayan para sa pagpapasya at paghuhusgang pang-asal

Isa pa, higit nating mapatutunayan ito kung susuriin ang ipanapakita ng akda ukol sa mga hugis ng kaisipang Filipino.

i. Pangako at Pagkatao
Sa mga Ilokano, “Ti sao isu ti rupa; ti kari isu ti sapata.” (Ang salita’y siyang mukha; ang pangako’y siyang panata.) Sa mga Ibanag, “No mangitabba ha dayom galaman ya nahataya.” (Karangalan mo ang nakataya kung mangako ka.) Sa angkang iniwan ng Sion, maging sa angkan ni Mrs. Meyor, mahalaga ang anumang bitiwang salita dahil katumbas nito’y kanilang pagkatao. Kung di nila ito tutuparin, magiging masama ang imahe o impresyon ng kapwa nila sa kanila.

ii. Pagbabalanse ng Kalikasan
Sa mga Pampango, “No apirdid inasin, bawian yed daing.” (Kung malugi sa bagoong, babawiin sa daing.) Sa Sion, para silang yin-yang. Magkabiyak na magkataliwas. Swerte-malas, bait-salbahe, ganda-pangit, init-lamig. Gano’n ang naging takbo ng relasyon nila ni Ildefonso. Sa Don ang sarap, sa Sion ang hirap. Lumalaon bumubuti, sumasama kaysa dati. Ngunit sa isang pintong mabubuksan, asahang sampu ang mabubuksan. Ganyan ang batas ng kalikasan.

iii. Diwang Pang-edukasyon
Para kay Ebong, ang aral ay kayamanang di mananakaw. Ito ang magbabalik ng kulay sa kanilang angkang binansagang etsa-puwera. Katulad siya ng mga Chabacano – “Tiene luz en pensamiento” at mga Igorot – “Ang kinaalam suga sa kaduluman” sa paniniwalang ilaw nga sa kadiliman ang kaalaman.

iv. Tuntuning Utang na Loob
Anumang kagandahang loob na ipinagkaloob mo sa iyong kapwa’y kailangang magagantihan ng kagandahang loob. Kilala ang mga Pilipino sa taglay nitong kabaitan.

v. Kaisipang Bahala Na (Bathala Na!)
Tradisyon na yatang maituturing ang wikang ito sa mga Pilipino. Lahat ng ‘di nila kayang masolusyunan ay ipinapasadiyos na lamang. Sa mga Ilokano, “Dios ti mangted kenka ti kaasi.” (Diyos nawa ang magdulot sa iyo ng awa.) Sa mga ninuno ng Sion, si Apo Kabunian na ang bahala sa kanilang kapalaran sakaling abutan ng kanilang buhay sa lupa ang sakuna o peligro.

vi. Kaisipang Kasi
Sa mga Cebuano, “Unsa ang tawo, maila sa iyang binuhatan.” (Makikilala ang tao sa kanyang gawa.) Sa akdang ito mismo, ang kilos, gawi at pananalita ng bawat tauhan ang nagtatakda sa kung anong uri o klaseng tauhan sila sa istorya.

vii. Kawikaang Makakaraos Din
Sa mga Ivatan, “Kumavus kan tindaw”; sa mga Tausug, “Makalahuyan da”; at, sa mga Ibanag, “Mapasatam galayyaw.” Ito marahil ang dahilan kung bakit nagmumukhang api ang mga Pilipino (lalo na ang mga etsa-puwerang Pilipino). Tinatanggap nila anumang gawin sa kanila ng ibang tao. Tanggap nila ang pagiging gayon: kabahagi ng lipunan pero laging tinatapakan.

Ilan pa sa mga pilosopiyang makikita sa akda na sumasalamin sa kaisipang Pilipino ay ang mga sumusunod:
viii. Ganyan lang [talaga] ang buhay
ix. Tayo’y tao lamang
x. Kasabihang Nakakahiya
xi. Konseptong Nariyan na ‘Yan
xii. Kawikaang Mamaya Na, Sayang at Pasensya Ka Na
xiii. Kaisipang Akala Ko, Titingnan Ko
xiv. Konseptong Wala kang Paki
xv. Kayang-kaya, Sana nga, Mayroon daw

Ang lahat ng pilosopiyang pangkaisipan ng bawat Pilipino na nabanggit dito ay iilan lamang kumpara sa napakaraming bilang nito na makikita sa akda. Ang mga ito ay nagpapatunay na ang “Etsa-Puwera” ni Jun Cruz Reyes ay nararapat lang na maisama sa kanon ng ating pambansang panitikan.

Etsa-Puwera Bilang Akdang Maka-bata

Ang bata, maging lalake o babae, ay malaking salik sa pagbuo ng mga tauhan sa akda, lalo’t ang paksa’y tumatalakay sa buhay-pampamilya. Siya ay maaaring maging tampulan ng biruan at tuwa tulad ng kuwentong “At lumaki si Ben” ni Genoveva Edroza-Matute. Siya’y maaaring kahabagan tulad ni Adong, ang batang pulubi sa kuwentong “Mabangis na Lungsod” ni Efren R. Abueg at ng batang lalaking naulila sa ama sa kuwentong “Bangkang Papel” ni Genoveva Edroza-Matute.

Malaking impluwensya ang nagagawa ng sikolohiyang pambata sa ating mga mambabasa. Nakikilala natin ang mga katangian at pangangailangan ng mga bata na magagamit nating puhunan sa pakikipag-usap o pakikipagkaibigan sa kanila. Sa pamamagitan ng pagtuklas sa nakakubling damdamin, nababatid natin ang kanilang mga hangarin o tunguhin sa buhay at ang kanilang mga pangarap.

Maraming mga manunulat ang isinasaalang-alang ang bata bilang pangunahing tauhan at/o punto de bista ng akda. Nangunguna rito si Genoveva Edroza-Matute. Sumunod sa kanyang mga yapak sina Efren Abueg, Lualhati Bautista, Jun Cruz Reyes at iba pa.

Sa akdang “Etsa-Puwera” ay inilarawan ng may-akda ang bata bilang inosente ngunit nag-aangkin ng mapanuring kaisipan. Ang mga samot-samot na pangyayaring naganap sa kanyang paligid ang nagpamulat sa murang isipan ng bata na naging daan upang siya’y hangaan ng mga mambabasa. Mula sa simula hanggang sa wakas ng akda ay ipinamulat ni Jun Cruz Reyes sa mga mambabasa na ang mga bata ay maaaring makabuo ng isang magandang imahen sa tunay na larawan ng lipunan.

Kung kaya’t nais namin ngayon ilapat sa nobelang ito ang awiting “Bulag, Pipi, Bingi” ni Freddie Aguilar bilang pagbibigay-pugay sa mga katangiang pinamalas ng mga etsa-puwera – mga bidang Pilipino.


Sa bawat yugto ng buhay, may wasto at may mali
Sa bawat nilalang ay may bulag, may pipi at may bingi

Madilim ang 'yong paligid, hating-gabing walang hanggan
Anyo at kulay ng mundo sa 'yo'y pinagkaitan
H'wag mabahala, kaibigan, isinilang ka mang ganyan
Isang bulag sa kamunduhan, ligtas ka sa kasalanan

KORO
'Di nalalayo sa 'yo ang tunay na mundo
Marami sa ami'y nabubuhay nang tulad mo
'Di makita, 'di madinig, minsa'y nauutal
Patungo sa hinahangad na buhay na banal

Ibigin mo mang umawit, hindi mo makuhang gawin
Sigaw ng puso't damdamin wala sa 'yong pumapansin
Sampung daliri, kaibigan, d'yan ka nila pakikinggan
Pipi ka man nang isinilang, dakila ka sa sinuman

[Ulitin ang KORO]
AD LIB

Ano sa 'yo ang musika, sa 'yo ba'y mahalaga
Matahimik mong paligid, awitan ay 'di madinig
Mapalad ka, o kaibigan, napakaingay ng mundo
Sa isang binging katulad mo, walang daing, walang gulo

[Ulitin ang KORO]

'Di makita, 'di madinig, minsa'y nauutal
Patungo sa hinahangad na buhay na banal


At bilang pagbubuod, ano nga kaya ang mga etsa-puwerang tulad nina Dune, Sion at Ebong? Lumalaon bumubuti o sumasama kaysa dati? Ano kaya...

2 Comments:

Anonymous elie said...

Pede po magtanong? Di ko kasi maintindihan ung story. hehe.. kasi dipa ko tapos. Sino ba ung Sion at ano ung Dune?

5:30 PM  
Anonymous Anonymous said...

Mahina ang pag-intindi mo sa nobela kahit malinaw mo na nilimitahan ang patalun-talon mong pagtalakay at paghimay sa akda.

12:01 AM  

Post a Comment

<< Home