Friday, October 13, 2006

Kape’t Pandesal Po!


Magandang araw sa inyo, kaibigan. Kape’t pandesal po tayo. Keith Buenaventura po ng Fil11R. Pag-usapan po natin ang ugat ng tradisyon sa Pilipinas – katutubo, sinauna. Sabi nila: laging maiuugat ang tradisyunal sa karanasang katutubo, gaya ng makikita sa anyo’t nilalaman ng mga bugtong at salawikain. Ang panulaang ito’y nakasulat din ngunit nang dumating ang mga mananakop ay marami’ng sinunog na literatura. Kung susuriin naman ang kanilang anyo’t nilalaman, tunay ngang salamin ito ng tradisyon. Agad nating mahihinuhang kakaiba’ng naipamalas ng mga tao noon sa kanilang pagpapahalaga at pag-iisip. Bagama’t magkakaiba ang lengguwaheng gamit ng mga tao, ang kanilang panitika’y may iisang mensahe’t layunin pa rin.


Noong nakaraang kape’t pandesal, pinag-usapan natin ang bukal ng tradisyon, ang bugtong at salawikain. Ang unang layunin ng bugtong ay magbigay-kasiyahan sa mga tagapakinig at mga manlalaro. Sabi nga ng prof ko: pansinin n’yo na lang ‘yong


Kinain na’t naubos,
nabubuo pang lubos.



Sa unang taludtod, sinasabi ritong napapansin ng ating mga ninuno na ang bagay na ito’y laging nawawala. Ngunit sa sumunod na taludtod, magugulat kang ubos na’y nabubuo pa ri’ng lubos. Kung matamang iisipin, ang bagay na ito’y para lamang isang proseso ng pagbabago at pagbuo muli. Kaya ang sagot dito’y buwan. Dito makikitang noon pa ma’y malay na sila sa gamit ng sukat, tugma at talinghaga sa bawat taludtod. Kahit simple ang estraktura, dito nasusukat ang talino at kaalaman tungkol sa bayan – buhay at kalikasan. Isa pang halimbawa’y tungkol sa ulan na bagama[’]t taun-tao’y inaabangan ng mga magsasaka upang maging pandilig ng kanilang linang ay agad din naman nilang pinakakawalan pagkatapos mapakinabangan dahil masama kung sosobra ito:

Isang taong inabangan
Ng mahuli’y muling pinakawalan.



Ang salawikain at kasabihan sa isang banda’y nagpapakita ng asal, moralidad, pag-unawa sa ating mga ninuno. Ito’y nagbibigay-aral at nagbibigay-unawa sa mga pang-araw-araw na gawain. Halimbawa nito’y tungkol sa pagpapayong matutong kumilatis ng kaibigan.


Hangga’t may pera ka, marami’ng kasama,
Ngunit ‘pag wala na’y wala na rin sila.



Ang tanaga nama’y naglalaman ng pangaral at payak na pilosopiyang ginagamit ng matatanda sa pagpapagunita sa mga kabataan. Ito’y may apat na taludtod at pitong pantig sa iisang saknong. Halimbawa:


Magdalita ang niyog,
Huwag magpakatayog;
Kung ang uwang ay umuk-ok
Masasaid pati ubod



Magandang araw, aking igan. Kape’t pandesal po tayo. Heto po’ng palaman. Sa mga nakaraang pag-aaral natin, sinubukan nating balikan ang mga bugtong, salawikain at tanaga ng ating bayan. Taludtod? Ito ang pangunahing sangkap ng kanilang panulaan na mahalagang malinang lalo na sa kanyang sukat (bilang ng pantig) at tugma (tunog ng hulihang pantig). Talinghaga? Ito’y wastong paggamit ng mga salita na lumilinang sa kariktan ng taludtod. Ang dalawang ito’y taglay ng bawat akdang tradisyunal lalong-lalo na ang mga bugtong at salawikain. Ano ngayon ang pilosopiya ng buhay ng mga Pilipino na ipinapahiwatig sa’tin ng mga akdang gaya nito? Ito’y kalipunan ng kanilang pananaw tungkol sa kalikasan ng buhay na hinulma ng dinamikong pakikibaka, pakikipagsapalaran at pakikisalamuha ng mga taong-bayan sa kanilang kapaligiran at sa iba’t-ibang kalagayang panlipunan, sampu ng kanilang kalikasang pambayolohiya na hinubog din ng pangkasaysayang pagsulong.


Meron itong tatlong sangkap:
i. Pananaw ukol sa buhay ng tao sa daigdig
ii. Paniniwala ukol sa kabuluhan ng buhay
iii. Isang sistema ng pagpapahalaga na nagsasaad ng pamantayan para sa pagpapasya at paghuhusgang pang-asal


Igan, ang kalikasan ng bugtong at salawikain ay nabuo dahil sa mga sariling pananaw ng tao noon sa kanilang kalikasan (kasama na’ng kanilang katawan). Ito ang tunay na akdang tradisyunal na sa’ti’y ipinamana at inatas na linangin. Ang mga akdang ito’y tulad ng kape at pandesal na bagama’t sa umaga lang napakikinabanga’y salamin din ng kung ano ba talaga ang tradisyunal.#

Marka: A

0 Comments:

Post a Comment

<< Home