Monday, September 11, 2006

Isang Sulyap sa Taunang Lamayan sa Kongreso: Ang Impeachment

Mukhang naulit na naman ang kasaysayan ng bansa at sa pagkakataong ito’y ang pagbasura ng mayorya ng Kamara de Representante sa inihaing impeachment case laban kay Pangulong Arroyo sa taong ito. Hindi maikakaila ang bilang at puwersa ng mayorya (binubuo ng mga kongresistang pabor kay Gloria) kumpara sa minorya (sinasabing oposisyonista ng Malacañang) noong nakaraang botohan nila ukol sa pag-apruba o pagbasura sa impeachment.

Ang pag-asang maipabatid ang katotohanan sa mamamayang Pilipino ay mistulang umikli at muntik pang masaid nang ang lumabas na resulta’y 173-32, panalo ang grupong kontra-impeachment.

Katulad noong nakaraang taon, ang mga hinalal ng taumbayan na kanilang magiging representante sa Kamara ang nagsiboto para sa ikauusad o ikatitigil ng akusasyon sa pangulo. Katulad pa rin noon ang mga kasong isinampa laban sa pangulo gaya ng di-umano’y pandaraya niya sa eleksyong pampanguluhan noong Mayo 2004 at nadagdagan pa ang mga taong naghain nito.

Isa-isang nagsipaliwanagan ang mga nasa plenaryo ng kanilang boto na inabot ng humigit-kumulang walong oras.

May ilang nagpauna na marahil sa natunugan nilang aabutin ng kinaumagahan ang nasabing botohan.

Samantala, kanya-kanyang taktika sa pananalita at pagpapaliwanag ang ginamit ng mayorya gayundin ng minorya.

Mistulang ito ang botong hindi dapat makaligtaan ng kanilang buhay-kamara.

Isandaan at pitumpu’t tatlo (173) ang bumoto kontra sa impeachment ngayong taon kumpara sa isandaan at limampu’t walong (158) pumabor sa pagbasura ng impeachment ng House committee on Justice noong nakaraang taon.

Samantala, ang limampu’t isang (51) bilang ng pabor sa impeachment noong 2005 ay lalong bumaba sa tatlumpu’t dalawa (32) ngayong taon.

Kapansin-pansing labindalawa (12) sa tatlumpung (30) kongresistang lumiban sa botohan ng plenaryo ay mga kilalang tagapagtaguyod ng impeachment noong isang taon. Nangangahulugan kaya ito ng tuluyang paghina ng oposisyon sa kamara?

Hindi man kapani-paniwala (sa isang banda), labimpitong (17) oras ang itinagal ng nasabing sesyon bago tuluyang ma-“finis” ang usapin.

May karapatang magsaya ang mga pumabor kay Gloria dahil sa naihatid na naman nila sa libingan ang ikalawang kaso ng impeachment.

Ayon pa kay House Speaker Jose de Venecia, “Thank God common sense prevailed in this chamber.” Pagkakahon kaya ito sa mga oposisyonistang kongresista bilang aanga-angang halal ng tangang bayan? At sa kanila nararapat ang pork barrel, kung gayon?

Ang resultang ito ng nakaraang botohan ay nagpapaalala sa atin ng isang kongresong hindi yata kayang ilabas ang katotohanan. Hindi naman ang pangulo ang naglagay sa kanila sa kongreso kundi ang mga taumbayan ng kani-kanilang distrito ngunit mukhang may mas malaking utang-na-loob pa sila sa pangulo. Ang utang-na-loob na ito malamang ang nag-udyok sa kanilang proteksyunan ang pangulo laban sa iilang taong para sa kanila’y silang tunay na terorista ng bayan.

Anumang gawain ngayon ng Kongreso ay hindi madaling makalimutan lalo na’t ang eleksyon nila’y napapanahon na naman. Ito na marahil ang mabisang pagkakataon upang kilatisin ng mga botante ang kani-kanilang congressman.

Sa Mayo 2007 ay maaaring baguhin muli ang institusyong nagbasura sa impeachment. Hindi dapat tayo masilaw sa kinang ng kanilang mga pangako kundi sa kanilang karakter habang sila’y namumuno. Ang pag-asa ay muli na naming sisibol sa oras na lumabas ang katotohanan sa kongreso. Huwag lang sana itong mabahiran ng garapalang pandaraya at pandarambong.

Hindi ito magiging aksaya ng oras basta’t nalalaman nila ang kanilang ginagawa at kung para kanino itong kanilang ipuinaglalabang adhikain. Kung para sa pangulo, iisa lamang ang dahilan – ang suporta ng isang makapangyarihan (pork barrel, election funds, posisyon sa pamahalaan, at iba pa). Matuto sanang alamin ang tunay na layon ng bawat kongresista sa kanilang pagboto. Isipin sanang ang posisyong kanila ngayong hinahawakan ang siyang naatasang magdambana ng kalayaan at katotohanan.

Iisa man o hindi ang (ang mga) layunin ng bawat halal ng bayan, huwag sana itong maging hagdan nila tungo sa pansariling hangarin at pakinabang. Magbantay at magmasid. Walang hindi kayang supilin ang mga ilaw ng nagkakaisang pag-asa.

Higit sa lahat, nasasaatin kung dapat ba o hindi dapat palampasin ang ganitong pangyayari. Basta’t ang malinaw sa ati’y hindi dapat bigyan ng pagkakataong maghari ang iilan kung ang hatid nila’y katotohanang nababahiran ng kasinungalingan.

Ang katotohanan … lamang … ang nais… ng bayan…

0 Comments:

Post a Comment

<< Home