Friday, October 13, 2006

Katatawanan sa Panitikan



Karanasan


Maraming pangyayari sa aking buhay na parang sinasadya at katawa-tawa. Mayo 29, 2004 – hindi ko akalaing iyon na pala ang araw na ako’y magiging isang ganap na artista sa teatro. Bakasyon noon nang bumuo ang samahan ng mga kabataang aking kinabibilangan ng isang dulang hango sa Les Miserables ni Victor Hugo na isinalin lamang sa Filipino. Kinailangan naming manood at makipanayam sa mga artista ng PETA. Umarte kami ng libre na napanood ng buong barangay.


Ano ang aking naging papel sa dula? Hindi ka maniniwalang ako ang bidang nagpapanggap, na isinalang sa hukuman dahil ang tunay na bida ay tumakas pala sa mga otoridad ilang taon na ang nakalilipas. Kung tutuusi’y isa lamang akong ekstra dahil di pa yata lumagpas sa limang minuto nang ako’y isalang sa entablado at nagpalit agad ng set. Pero ang eksenang iyon ay di pala basta ekstra, sabi ng aming direktor, kundi siyang tagapukaw sa atensyon ng mga manonood. Ganito kasi ang naging takbo ng eksena... Tanong ng abogado: “Hindi ba’t ikaw ang taong matagal na naming hinahanap? Ikaw si Jean val Jean.” Sinagot ko: “A-ako a-ay d-d-di n-nakakakain araw-araw. Ako’y nagugutom!” Matapos ang pagtatanghal, sinabi ng ilang kaibigan na naintindihan at nagustuhan nila ang dula. Bagay daw sa akin ang maging baliw.


Sumunod na taon, buwan din ng Mayo, sa wakas ay naitanghal na sa Rizal Mini Theater (RMT) ang aking isinulat na dula – ang “Aanga-anga” noong ako’y kabilang pa sa mga estudyanteng tinuruan ng Alay ni Ignacio (ANI). Kahit ibang grupo ang nagkamit ng mga gantimpala, masasabi kong ang aming dula ang tunay na panalo sapagkat napasaya namin ang mga manonood at naipahayag, kahit hindi man direkta, ang aming saloobin ukol sa ilang isyung panlipunan at pampulitika na sikat noon.


Dula


Magandang araw, kaibigan. Maghikab muna at mag-inat. Pinag-usapan natin ang naging karanasan ko sa dula. Sabi natin: yaong nakapagpapasaya sa mga manonood at nakapagpapahayag ng kanilang saloobin, maaaring maging maganda ang kahinatnan ng dula. Ngayon, nais kong pag-usapan natin ang dulang “Ang Aksidenteng Kamatayan Ng Isang Anarkista“ na napanood ko ilang linggo na ang nakalipas.


Kung pupunta ka sa Hilaga at Gitnang Pilipinas, ang CPP-NPA ang ’yong makakaharap. Sa Timog Pilipinas nama’y naroon ang MILF. Kabi-kabila ay mayroong anarkista ngunit mahirap hnapin lalo na’t nagtatago sila. Para saan daw ang batas kung hindi naman tayo nagkakapantay-pantay.


Ipinabatid ng dula ang ilang kakatwang kalagayan ng ating mga kinikilalang tagapagbantayog ng batas at demokrasya – ang militar at ang kapulisan. Ngayon ko lamang natimbang kung gaano sila makapangyarihan. Kayang-kaya nilang mapagbali-baligtad at gawing kaaya-aya ang bahong naaamoy ng madla sa kanilang institusyon. Kalaban man o kakampi, kahit mga inosenteng sibilyan ay hindi nila agad-agad pinagkakatiwalaan. Mas tuso pa yata sila sa lahat ng tuso sa mundo. At ngayon ko lamang lubusang naunawaan ang tunay na problema ng bansa (hindi lahat dahil marami pa tayong di-nalalamang problema) na itinatago ng nakatataas. Ginagamit lang nila itong taktika upang patuloy silang manatili sa nararapat daw nilang kalagyan.


Krisis?


Magandang araw muli, kaibigan. Humikab muna saka mag-inat. Magpatuloy tayo sa pag-aaral ng dula. Nakakatakot ang krisis: parang nawawalan tayo ng loob o niyayanig tayo ng takot. Parang mga heneral sa dula, matapos malamang bubuksan muli ang imbestigasyon ng pagkamatay ng isang anarkista at anong nangyari sa kanila? Lumubog pero hindi sila nawalan ng pananaw sa pag-asa. Nalaman ko ang tunay nilang pagkatao matapos kong makitang dumaan sila sa ganoong krisis. Ganoon ko sila tinitingnan at kinikilala bilang tauhan. At dito naman lumabas sa dula ang isang tauhang siyang dahilan ng ating pagtawa.


Ganyan din ang krisis na kailangang kabakahin ng ating panitikan sa kasalukuyan. Patuloy ngang umuusbong ang mga mayayabong na nating manunulat ngunit para saan pa ito kung walang pumapansin sa kanila kundi sila-sila rin. Kung ang programang “Eat, Bulaga!" ay patuloy na mamamayagpag hangga’t mayroong mga bata, ganoon din dapat ang panitikan, ang dula. At ito nga ang nais kong ipabatid – gaya ng mga programang gustong-gusto ng mga kabataang siyang dapat sumunod sa yapak ng mabubunying manunulat – unahin natin ang pagpukaw sa kanilang atensyon. Bigyan sila ng pagkakataong itampok ang para sa kanila’y kaaya-ayang panitikan habang sila’y sinusubaybayan.


Katatawanan


Magandang araw, kaibigan. Noong nakaraang paghikab at pag-iinat, pinag-usapan natin ang krisis na siyang nagpapakilala sa ating pagkatao. Ngayon, isipin natin ang isusulat para bukas bilang binhi. May binhing tinuka ng ibon, may napunta sa mababaw na lupa at nasunog sa araw, may mga nasukal sa dawagan. Pero may binhi na nahulog sa matabang lupa at namunga at namunga. Gaya ng katatawanan – ito ay isang mabisang sangkap na kailangan sa dula upang maibigay nito ang ekspektasyon ng kanyang mga manonood, ang humalakhak, matuwa, at makuntento o masiyahan sa pagtatanghal. Ngunit wala ring dapat ikatakot ang mga mandudula sa malaking posibilidad na matulad sa Daily Tribune nang ibaba ang PD 1017. Ang prinsipyo at paninindigan ang dapat nakataya sa bawat inakda tulad nina Aurelio Tolentino (Kahapon, Ngayon at Bukas), Pete Lacaba (Prometheus Unbound), Jun Cruz Reyes (Utos ng Hari) at iba pa.


Sabi ni Gat Jose Rizal, ako ba’y matsing o pagong? Ang matsing ay nagmamadali, inuubos ang saging na nakabitin, hindi nag-iisip ng bukas. Ang pagong ay mabagal pero nagtatanim, namumunga. Tumatagal. Nag-iipon, nagtatabi para sa pangangailangan hindi lamang ngayon, ngunit kasama rin ang bukas. At habang tinatahak natin ang landas ng pagong sa pagsulat ng dula, ayos lang na isipin din natin ang magandang paraan ng pagpapahayag ng ating nararamdaman sa ilang isyung sa ati’y bumabagabag.


Kung sawa na tayo sa aksyon at drama, idaan natin sa komedya. Ang kagalingan sa panitikan ay isang misyong kailangang palaganapin. At ito ang responsibilidad na imulat ang kapwa sa kung ano ang tama o mali. Walang masama kung gagamitin natin ang bisa ng katatawanan sa dula dahil nasa panahon tayo ng paggamit ng kahit anong pamamaraan ng pagdulog sa panitikan na alam nating kaaya-aya. Ang mahalaga’y maimulat natin sa ating kapwa ang tunay na pagpapahalaga sa paggamit nito.


Pambansang Panitikan


Magandang araw, aking igan. Sa nakaraang paghikab at pag-iinat, pinag-usapan natin ang katatawanan ayon sa dula bilang isang binhi, at bilang pagong. Kaya siguro nakakapagpapagaan ng loob sa mga Pilipino na tayo ay mapili bilang isa sa mga pinakamasasayahing tao sa buong mundo anuman ang ating problemang dinadala o kinakaharap. Ngayo’y nararapat lang o maaari na nating lagumin ang ating mga napag-usapan.


Ang katatawanan ay isang mabisang sangkap ng panitikan na kinakailangang maisama sa bawat akda dahil ito ang tutulong na magmukhang kaaya-aya at di-kabagot-bagot ang akda. Ito ang pinakasimple niyang trabaho sa panitikan – ang gawin itong maganda, may dating sa paningin ng bawat mambabasa. Ikalawa, ang katatawanan ay maaaring gamitin sa pagpapahayag ng ating mga damdamin o saloobin. Alam nyo naman siguro ang katangian ng mga Pinoy, dala ng ganap na demokrasya at ng kanilang kapusuka’y mahilig silang maglabas ng kanilang nasasaloob na kadalsa’y sama ng loob. Sa pamamagitan nito ay maisisiwalat natin ang ating nararamdaman ngunit nararapat pa ring isipin natin ang maaaring maramdaman ng tao o grupo ng taong ating pinatatamaan. Subalit hindi lang nagagamit ang katatawanan sa paninira o pamumuna, maaari rin natin itong gamitin upang ipabatid ang tamang pagpapahalaga sa panitikan at iba pang disiplina ng ating pag-aaral.


Ang panitikan ay masasabing maganda kung nagtataglay ito ng tama at naaayong sangkap na siyang bubuhay dito. Sa madaling sabi, ang panitikan, sa pagdaan ng panahon, ay di pa rin masasabing perpekto. Nangangailangan pa ito ng napakahabang panahon ng pagsusuri, paggamit at pag-aaral upang maipakita ang pinakamaganda nitong porma at anyo. Ang paggamit ng katatawanan sa dula at iba pang akdang-pampanitikan ay isa lamang sa napakaraming paraan ng pagpapaganda sa akda. Ngayong napag-aralan na natin ang mensaheng hated ng dula, nararapat na sigurong magsanay na tayo ng paggamit dito...




Panginoon, salamat po at nagawa kong mailabas ang aking tunay na nararamdaman. Nawa’y matutunan naming lahat ang diwa at tunay na pagpapahalaga sa katatawanan bilang sangkap ng aming pambansang panitikan. Naghahanap po ako ng gabay sa maraming desisyon ng aking buhay na minsa’y masalimuot at magusot. Salamat po sa hamong ito. Anumang natutunan ko dito ay ibabahagi ko sa iba. Tulungan niyo po kaming maunawaan ang tunay na kahalagahan ng pagdarasal. Amen.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home