Tuesday, September 19, 2006

Paglisan

Sinong makapagsasabing ito na pala ang pinakamahalagang araw ng aking buhay, mga kaibigan. Ito na marahil ang pagkakataong aking pinakahihintay. Ang pag-ibig na siyang dumadaloy sa aking puso’y patuloy pa ring nagsusumamong huwag kong ituloy ang binabalak. Ngunit, ito lamang ang tanging paraan ng aking pagwalay sa inyo. Ang bawat samo ng aking puso ay di lang naman, kaya magalak pa rin kayo, naghahangad ng katiting lamang na kabutihan.

Ang pag-asa sa aking puso’y patuloy pa rin namang bubukal upang kahit papano’y kayo’y maalalayan sa inyong pagdaing.

Isang paglisang walang katumbas na kaligayahan ang sa inyo’y maiiwan dahil alam kong mahalaga ako sa inyo gayong ako’y nagkakamali, nagkakasala.

Ang pagiging tunay ninyo sa sarili bilang aking katuwang sa hirap at sa ginhawa ang aking dadalhin sa hukay ng walang hanggang pag-ibig...

Sa pagkakataong ito’y nais kong maipabatid sa inyo aking mga minamahal na kapamilya, kamag-anak ang taus-puso kong pagbibigay-galang at pagpupugay sa inyong walang sawang pagtangkilik sa aking potensyal at kahinaan. Gayundin kayo aking kaibigan...

Sa bawat pagsipol ng ibon sa papawirin...huwag n’yo sanang makalimutan ang isang nilalang na sa inyo’y umaalala, umiibig.

Gaya ng aking paboritong awitin...

“Kung ang lahat ay may katapusan,
Itong paglalakbay ay makakarating rin sa paroroonan,
At sa’yong paglisan ang tanging pabaon lang...
Ay pag-ibig...”


‘Yan sana ang inyong tatandaan sa oras na inyong maramdaman ang aking presensya at matutuwa kayong maalala ang isang nilalang na walang ninais kundi mapasaya ang kanyang minamahal...

Ang pagsisikap ko sana’y maging pagsisikap n’yo rin. Ang paninindigan ko nawa’y maging paninindigan n’yo rin. Ang pag-ibig ko’y maging pag-ibig n’yo rin, sana...

Sa bawat yugto ng buhay, alam kong may makakasama, makakaisa, makakaibigan ang isang tao...Itong pananaw ko sana’y maging inyo rin nang hindi niyo nawa damdamin ang paglisan ng isang taong talaga namang mawawala sa inyong piling. Tanggap ko...Sana’y kayo rin po...

Ang pagkakaisa ng ating damdamin ang magtuturo sa akin ng tunay na daan sa walang hanggang kaligtasan. Doon ko kayo aabangan sampu ng mga magiging bago kong kaibigan. Tandaan n’yong kahit may bago na sa buhay ko’y ‘di ko pa rin kayo malilimutan. Ang mga taong tulad niyo’y may malaki nang puwang sa aking puso.

Nawa’y ang buhay kong ito’y magtapos kasabay ng pagsisimula ng aking tunay na pangarap...ang manatili sa inyong piling sa kahit na anong oras...

Huwag n’yong lilimuting naririto pa rin ako sa tabi n’yo. Ang akin ay sa inyo.

At, gaya ko:

Iba-iba ang diskarte ng mga tao kapag may kinakakaharap na problema. Sabagay, depende rin naman kasi kung anong uri o klase ng problema ang nandiyan, hindi ba?

Kapag student-level ang problema: nangongopya, nagpupuyat, nagdadasal na sana’y bumagyo o bumaha, umiiyak, pinapasugod ang titser sa nanay, hinahampas ang sarili ng scientific calculator, cramming, nagpapakyut sa crush, nag-iistayl bulok sa crush, umuutang ng pamasahe sa blockmate, nangungulit sa titser para maambunan ng partial points, sinisiraan ang titser, nagli-leave of absence, nagdadrop, kumukuha ng removals...

Kapag problema na kailangan lang ng dibersyon: nagyoyosi, umiinom ng alak, nagdadrugs, nambabae, nanlalalaki, nambababae at nanlalalaki, tumataya sa lotto, tumataya sa jueteng, nagpaplanong mag-Boracay, nagbablog, nagsashopping, nagwiwindow shopping, nagwawaldas, kumakain ng marami, nagdidiyeta, nagpupunta sa gym, nagpapa-spa, nagpapagupit, nagpapalong hair, sumasayaw, kumakanta, nagwawala...

Kapag problema na mayroong kaugnayan sa trabaho: nagko-coffee break, nagyoyosi break (ke smoker o hindi), nagreresign, naghahanap ng malilipatang trabaho, nag-aabsent, biglang nagkakasakit (pero naglalakwatsa naman), naghahanap ng ikababagsak ng boss at ng kompanya...

Kapag lablayp (o lack of) ang problema: nagdedeny, nangangarap, nakikipagbreak, nakikipag-one night stand, nakikipagphone pal/chat/email pal/blog pal, naghihintay, naiinip sa mga wirdo, malalinta at @)(*!&)$&@ mga lalaking ‘yan...

Kapag problema na nangangailangan ng masusing pag-iisip: nagmumukmok, dedma, nag-iisip ng solusyon, nagpaplano at makakalimutan ang plano, nagpapalano at ipatutupad ang plano, nagrereklamo pero wala namang ginagawang solusyon, natutulog, nagbabakasakaling bigla na lang ma-solve ang problema mag-isa, nagdadasal, nagsisimba, nagnonobena, nagpapakabait, nagwiwish-upon-a-star...

At kapag isang pamamaalam ang pinoproblema dahil may mga taong sadyang hindi mahagilap kahit na alam na nga nilang kailangang-kailangan mo ang gabay nila sa iyong pagpanaw: magpopost ng blog entry...magpaplano ng uri ng pamamaalam...

(Hindi man lahat ng aking nabanggit na solusyon sa problema ay tunay kong nagawa o naramdaman, salamat dahil kayo ang nagbigay ng liwanag sa aking buhay...)

Panginoon, salamat dahil binigyan mo ako ng pagkakataong ilahad ang aking tunay na nararamdaman...alam kong kayo ang higit na makapangyayari sa lahat ng tamang plano sa akin at sa lahat ng buhay sa lupa...Nawa’y...Salamat...Salamat...sa lahat,...paalam...

0 Comments:

Post a Comment

<< Home