Saturday, June 09, 2007


Klas Piktyur



Halos limang taon na
ang nakalipas
mula nang ako’y huling
tumuntong sa high school
building na aking pinasukan
Naroon


si Bertong mukhang ilalamay
sa suot niyang polo- barong;
pusturang- pustura
si Juan sa tabi ni Simon,
nakangisi sina Jose, Angelito’t Caloy
na aking mga katropa,
napagigitnaan nila
ang tangi’t walang kasingkupas
na ako. Sa ibaba,

naroon si
Marinang aking crush na kabigha-bighani, si
Ariel na nagtayuan ang buhok sa ipinahid na gel, si
Roger na kapustahan ko sa DOTA, si
Corang tagalakad ko kay Marina, si
Emil na aking matalik na karibal.


Naroon din
ang aming gurong sobrang kapal
kung siya’y magmake-up,
sa bilang niyang tatlo
lahat ay ngingiti sabi ni manong
potograper.


Natatandaan ko, halos isang
linggo na mula nang aking linisin
ang mga abubot kasama ng agiw
sa bahay na aking lilisanin.


Luma na at nanlalabo marahil
sa dilim ang mga mukha
sa huli kong klas
piktyur. Sa isip-isip ko,
Nasa’n na kaya sila ngayon?
Sina Juang matador, Simong magsasaka,
Bertong karpintero, Joseng tagawalis,
Sabungerong si Roger at parloristang si Cora.
Sadyang likas na nga ba
Itong kapalaran mula nang ipanganak?


Sumbatan ko man
ang aking sarili, huli
na ang lahat! Sisihin ko man
ang aking sarili, wala
na rin akong magagawa.
Ang bobo ay hindi bobo. Minsan.
Sa bandang huli, ang bobo ang mananalo.
Pero ang bobong nagpakabobo, buhay pa
ay inuuod na ang utak sa kalsada.


Kaya ikaw Ineng, alalahanin mong hindi
bobo ang Diyos. Dumaan man
ang bagyo sa iyong harapan, isipin mong
ikaw’y malakas. Para saan pa
ang klas piktyur mo ngayong
second year kung hindi mo masusundan
pagtungtong ng third year?
Basta’t baguhin mo
ang iyong kapalaran, kahit huwag mo nang alalahanin
kami ng iyong ina.

Wednesday, February 21, 2007

Sa Pasilyo


Sa tuwing nakikita kita, kahit dalawampung metro pa ang layo, laging may dagundong na bumabalot sa aking dibdib. Sintigang naman ng disyerto itong lalamunan ko.

Sana’y maaari tayong makapag-usap. Sapat na marahil ang kalahating oras para matanong ka tungkol sa iyong personal na buhay, maikuwento sa iyo ang personal kong buhay, at higit sa lahat ng ninanais ko – maipaliwanag sa iyo itong kung anong pagkabagabag na lagi kong nasasalubong sa tuwing nagtatagpo ang ating daraanan.

Samantala, umikli na sa sampung metro ang ating pagitan. Paano kaya kita kakausapin? Ano kaya ang dapat kong sabihin?

“Magandang hapon. Maaari bang humingi sa iyo ng pabor? Puwede ba tayong mag-usap? Kahit kalahating oras lang.”

Nakakahiya. Baka mapagkamalan mo pa akong salesman na nangungulit sa isang kliyente. Baka tawanan mo lang ako.

“Patawad, pero, alam mo ba kung saan ang faculty room ni Bb. Rosales, ‘yong titser sa Ingles?”

Nakakatawa. Hindi ako dapat magsalita ng ganito. Baka hindi mo ako sagutin. Sino ba namang estudyante rito ang hindi nakaaalam sa nag-iisang silid ng mga guro? Baka isnabin mo lang ako.

Siguro, nararapat lamang na sabihin ko ang totoo.

“Magandang hapon. Alam mo bang lagi kong inaabangan ang pagdaan mo rito sa pasilyo? Sa ikatlong palapag ka, tama ba? Dito naman ako...Hindi siguro tama’ng aminin ko sa iyong minamahal kita dahil hindi mo naman ako paniniwalaan. Hindi iyon uubra. Pero kung sakali mang dumating ang panahong nanaisin mo nang marinig ang mga salitang iyon, lagi lang akong nag-aabang dito.”

Hindi. Hindi mo naman paniniwalaan ang pinagsasabi ko. O kung sakali man, baka hindi ka na dumaan pa rito. “Sori,” baka sabihin mo, “ako nga ang mahal mo pero hindi ikaw ang para sa akin talaga.” Baka ikatigil pa ng pagtibok nitong puso ko anuman ang sagot na ibigay mo. Baka nga hindi ako makarekober sa ganitong problema. Ni kailanman.

Malapit na ngang magkurus ang daraanan natin pababa sa hagdanang saksi sa sapot nitong aking mga damdamin. Tatlong metro, dalawang metro, isang metro: bum! Parang may ugat na napatid sa gitna ng puso kong nag-aalab. Naglakad ako pabalik, tumakbo at naghanap sa iyo muli sa dagsang pulutong ng mga estudyanteng nagmamadaling makalabas na tila mga langgam ngunit para kang bulang kaybilis mawala.

Lagi iyong nangyayari. Hinding-hindi ko madala ang aking sarili na makipag-usap sa’yo.

Isang magandang umaga, nasulyapan kitang muli sa paborito kong pasilyo. Nakaramdam ulit ako ng dagundong sa aking dibdib. Isang malungkot na senaryo ang agad tumambad sa aking isipan – na walang sali-salita’y bigla kang naglaho sa pulutong nang magtagpo tayo sa pasilyo. Kailanman.

Bigla akong kinilabutan nang makita kong papalapit ka na. Ayaw kong bigla kang mawala. Tatakbo ako – papalayo sa’yo. Ayaw kitang maglalaho. Tatakbo ako.

Ilang saglit pa lamang, napalingon ako. Hinding-hindi ko maipagkakamali ang boses na narinig ko.

“Sobrang lungkot ng istorya sa pader, hindi ba? Alam mo, saksi rin ang pasilyo sa mga nararamdaman ko.”

Oo, iyan nga. Iyan rin sana ang balak kong sabihin sa iyo.

Friday, February 09, 2007

What makes public school kids excel in school
By Queena N. Lee-Chua

(Note: This first of the two-part Special Report appeared on the front page of the Philippine Daily Inquirer on Feb. 2 and 3, 2007.)


(First of two parts)
Last year, the most outstanding student in my college algebra class at the Ateneo de Manila University did not come from an exclusive private school or a Chinese-Filipino institution.

Von Karlo Sinence, a scholar, graduated from Parang High School, a public school in Marikina City.

Two years ago, in my introductory psychology class, Francis Alcausin was one of a handful of students who received an A on his term paper.

Francis, also a scholar, graduated from Marikina Science High School, again a public school.

True, Von and Francis had teachers who motivated them. Von in particular says that he owes a debt of gratitude to his freshman teacher, Alden Madrigalejo, for training him in math. But many of their classmates did not perform as well as they did.

What is the secret of their success? The answer is family.

Education, it is said, begins at home. Many Filipino families view education as the key to a brighter future. Students in the private schools, with adequate resources and well-trained teachers, may be said to have an academic edge.

However, in the past few years, I have happily observed that several children from low-income families manage not only to stay in school but also to excel. Sometimes, in college and in competitions, they even surpass their private school counterparts.

Poverty can be a hindrance, but it can be overcome. But how?

Ask parents, students

In 2005, together with Ma. Isabel Sison-Dionisio, a family and marriage counselor, Nerisa Fernandez, an Ateneo parent volunteer, and Pathways to Higher Education, an Ateneo group working with public school students, I spearheaded a study to discover what exactly makes public school children excel in school.

What better way than to ask the parents and the students themselves?

With the encouragement of Ateneo president Fr. Bienvenido Nebres, S.J., and the cooperation of Marikina Mayor Marides Fernando and Bulacan Gov. Josie de la Cruz, we surveyed more than 2,000 families of achieving students in 17 public high schools—eight in Marikina (Concepcion, Concepcion Integrated, Marikina, Marikina Heights, Parang, Tañong and Sta. Elena) and nine in Bulacan (Calumpit National, Dr. Felipe de Jesus Memorial, Guiguinto National, Lolomboy National, Meycauayan, Obando National, Parada, Prenza and San Roque).

As far as we know, this study is the first of its kind in the country.

The results of our study are heartening. The secret, it turns out, lies not so much in resources or enrichment, but in family values.

Many private school students go to tutorial centers after school, but public school children cannot afford to do this. The former usually have computers at home, which is not the case for the latter.

Parents of good private school students are generally academically successful, while many parents of public school kids did not finish school.

Powerful strategies

But according to our study, the families of our best public school students have more powerful strategies.

These are their secrets—discipline, goal-setting, self-reliance, strong family bonds and a conducive home environment.

Ninety-nine percent of the families of public school achievers in the survey agree that “discipline is a responsibility of the parents and an act of love.”

Parents enforce discipline consistently and early on, mainly through family discussions and through being good role models themselves.

Discipline in our country usually has a negative connotation, but in this study, it simply means instructing children or teens to behave well, such as being responsible for themselves.

When parents recognize the reasons for children’s misbehavior, they can balance the latter’s limits and choices.

The parents in the study are neither too strict nor too lenient. They set clear limits, listen to their children, and ensure appropriate consequences if the children err.

Discipline is the first step to success, for it fosters a sense of responsibility.

With discipline, children can work toward a goal. More than 90 percent of the parents help their children achieve personal goals, foremost of which is to finish school.

Early on, parents discuss career options with their children. They do not rely much on wishful thinking (such as winning the lottery); instead, they set specific and realistic goals.

These parents have high expectations of their children—and just as important, their children are aware of such expectations.

Effective communication (listening and talking) is important, and so is time management.

Hands-on parenting

Look at how discipline and goal-setting work in the family of Rolando “Rolly” and Zenaida Buenaventura.

When the children were young, they used to fight over toys. So Rolly confiscated the toys and replaced them with books, and now the children value books over their other possessions.

The parents believe in the Golden Rule: Do unto others what we want them to do unto us. During quarrels, Rolly acts as mediator, and asks each of his children to apologize and resolve to treat one another as they would want to be treated.

He supervises the children’s homework, and wakes them up in the morning.

He monitors TV watching by having only two channels available in the house, and limits the choices to game shows.

He reminds his children to study hard in order to finish college.

He tells them about people in the community who ended up jobless because they took the easy way out and did not finish school—“Sumunod lang sa agos (They just went with the flow).”

Rolly and Zenaida nurture their children well.

The eldest child, Keith, who graduated from Sta. Elena High School, is now a Pathways scholar, majoring in applied mathematics at the Ateneo.

Self-reliance, perseverance

Most of the families in our survey believe that success is achieved through hard work, not luck or fate. They believe in God, but they also know that God helps those who help themselves.

The children are patient, persistent and capable of delaying gratification.

Successful students believe that they can control their lives, while their less successful classmates are ruled by chance, malas (bad luck), or other factors.

Good students take responsibility for their actions. Poor students believe they are the victims of fate: They blame genetics (“We took after our parents—they were not good in math”); the teacher (“She plays favorites, and I am not her favorite”); or society (“We do not have enough money to go to good schools, so we may not be able to pass the college entrance test”).

IQ counts a little, but not much. Perseverance is more important.

Never giving up

Von Sinence underwent difficulties, but he never gave up.

Says Von: “I graduated valedictorian from Baloi Central Elementary School in Lanao del Norte. But when I moved to Manila for high school, I thought that it was a harder world. During the first week, not enough chairs were available in the classroom, so I had to sit on the floor. I also did not participate much in class because everyone spoke English, which I found difficult. Being in the star section terrified me.

“But I did not give up. Gradually, I became well-liked in school. I ran for a position in the student council, and to my surprise, I won, even though I did not think many students really knew who I was. I soon became Top One in our batch.”

As for Francis Alcausin, his mother Liberty believes in luck “sometimes,” but says that “90 percent of success is due to hard work.”

She denies herself simple pleasures, like movies or pocketbooks, in order to save for her children’s school needs. But her children, she says, are worth all the sacrifices in the world.

(To be concluded)

Thursday, January 04, 2007

Panggulo Naispatang Nagtsa-ChaCha sa Kongreso

ni Keithakits S.A. McDo

Halos tulog na ang lahat ng sambayanang Pilipino samantalang nagkakaroon ng isang sayawan sa Kongreso: cha-cha.

Wala man sa plano ng Panggulo na dumalo sa sayawan kahit disoras na ng gabi at may napapabalitang sakit siya upang makipagsayaw lamang ng Cha-Cha, pinili pa rin niyang dumalo sa nasabing pagtitipon nang di nalalaman ng palasyo sa pamamagitan ng pagtalon sa bakod ng bintana niya kasama ang kanyang asawa. Masyadong naging sentimental ang usapan ng mga nagsidalong opisyal sa bawat pagitan ng cha-cha. Sa labas pa lang ng session hall na siyang pinagdarausan ng pagdiriwang, mahigpit na ang seguridad at namimigay ng mga freebies sa bagong dating.

Isa sa narinig na usapan ng Panggulo at ng isang high-profile na kongresista (minabuting hindi kilalanin upang ‘di siya matalo sa eleksyon) ay ang tungkol sa pagbibigay nila ng daan sa oposisyon ng napipintong 2007 elections kahit siguradong malalampaso ang malakas nilang partido Lakas. Samantala, nakita naman ang ilang kongresista na natutulog at nagmumukmok sa isang sulok dahil hindi nila matanggap ang pagkatalo ng kanilang alas sa desisyong 8-7 ng Korte Suprema kontra sa People’s Initiative [initiative- pangngalan; nangangahulugang pamimilit, pagpapaPIRMA; mula sa Glorian Dictionary].

Katulad ng pagdiriwang noong Nobyembre 1994, nadagdagan na naman ng tinik sa lalamunan sina House Speaker Jose de Venecia at mga kaalyado niya sa katauhan muli ng Korte Suprema. Maging si DATIng Panggulong Ramos ay nawalan na yata ng gana sa Cha-cha. Pero, di pa siya magreretiro, bagkus ay boogie na lang ang sasayawin niya.

Ayon naman sa usapan ng Panggulo at ng Speaker, hinding-hindi nila umano isusuko ng basta-basta ang Cha-cha dahil bahagi ito ng plataporma-de-gobierno ng Panggulong Arroyo. Ayon pa sa amoy-tsikong Press Secretary Ignacio Bunye, malaking-malaking-malaki ang maitutulong ng Cha-cha sa ikauunlad ng pamumuhay ng mamamayang Pilipino. Isa pa, hindi raw totoo ang sabi-sabing peke ang mga pirma ng pagsuporta sa Cha-cha gayong hindi naman nila itinawag ito kay Garci kundi sa bawat tagapamahala ng lokal na pamahalaan.

Nadawit pa sa usapan nila ang tngkol sa panukala ng ilang senador na makabubuting iabandona na ang Cha-cha o ipapatay ito sa lalong madaling panahon at sa halip ay hayaang maidaos muna ang nasabing halalan. Pinaboran naman ito ni House Majority Leader Prospero Nograles ngunit dapat din umanong sumali ang mga senador sa saliw ng kanilang Cha-cha pagkatapos na pagkatapos ng halalan.

Samantala, sabi naman ng lasing nang Panggulo habang nire-record ng ilang reporters at field journalists: “Wala talaga akong nakikitang pagbabago. Tulad nang nagdaang taon: cha-cha, pandaraya, panggigipit… Ngunit alam kong iisa lamang ang kahulugan ng mga iyon. Alam ko.” At, nagtawanan ang mga nakarinig sa sinabi ng Panggulo. Hindi raw nila akalaing malalasing ang Panggulo ng gayon. Nasa youtube ang na-wiretapped na usapan ng Panggulo at ng ilang Kongresista.

Monday, October 23, 2006

ETSA-PUWERA: LUMALAON BUMUBUTI, SUMASAMA KAYSA DATI?













KEITH BUENAVENTURA
CARMELA CEMBRANO
PAMANTASANG ATENEO DE MANILA
OKTUBRE 2006






Magandang
Araw!
Bilang panimula ng ating diskusyon
Ukol sa nobelang Etsa-Puwera,
Halina’t buksan muna natin
Ang bawat pahina ng ating panitikan at
Yakapin ang karikta’t karunungang hatid nila...
’Tena, igan!

Salita: Ugat ng Pagpapakahulugan sa Akda

Ang salita ay sinasabing pinakamaliit na yunit ng komunikasyon sa isang natural na lengguwahe o wika. Ito ay maaaring gamitin bilang isang simbolo – ng mga bagay, kilos, damdamin, pag-iisip, konsepto o simbolo at maging ng iba pang salita. Ayon sa “Referential Theory” nina Plato (427-347 BC) at Aristotle (384-322 BC), ang sinumang di nakakaintindi o nakakaalam ng isang partikular na salita ay maaaring ituro nito ang pinatutungkulan ng salitang iyon upang ito’y mabigyan ng pakahulugan. Samakatuwid, ang isang salita o pangalang walang mapatungkulan (referent sa Ingles) ay walang saysay. Naiwasto lamang ito (o sabihin nating nabigyan ng mas malalim pang pag-aaral) ni Ludwig Wittgenstein (1899-1951) sa kanyang “Philosophical Investigations” nang ipaliwanag niyang makikilala ang kahulugan ng salita kapag nalaman ang gamit at paraan ng paggamit nito sa isang partikular na laro ng wika (language game). Ginamit ni Wittgenstein ang terminong ito upang bigyang-diin na ang paggamit o pagbigkas sa wika ay bahagi lamang ng isang gawain o uri ng pamumuhay ng mga tao.

Minabuti naming simulan ang papel na ito sa salita dahil ito ang batayan upang mabigyang kahulugan ang nais ipabatid ng akdang ito, na nagkataong isang nobela. Pumili kami ng pitong salita o parirala na sa palagay namin ay nangangailangan ng isang malalim na pagtalakay tungkol sa kahulugan nito, maging literal man o patambis. Katulad ng isang halamang lumaki sa ilang at walang mapagpalang kamay na mag-aruga, ito ay kailangang hukayin at ilipat sa matabang lupa ng pagpapala upang kung malinang na, ang bunga ay maging kapaki-pakinabang.

Salita Literal na Kahulugan (mula sa diksiyonaryo) Kahulugan Ayon sa Konteksto
1. alumpihit (p.2) Walang malamang gawin, balisa Hindi mapalagay, may iniisip
2. buho (p.3) Isang uri ng kuwago Nakakatakot na ibon
3. tinitikis (p.4) Sadyain Gawaing pinag-isipan
4. sisipatin (p.5) Silipin, tanawin Dungawin kung ano’ng nangyayari
5. binagtas (p.7) Dinaanan tinangka
6. malipol (p.160) Mapatay, mapuksa Masamang karanasan o pangyayari
7. punsyon (p.232) Pagpapalabas Engrandeng palabas


Higit sa lahat, ang salita ay nagkaroon ng napakalaking papel sa pakikipaglaban para sa kalayaan. Ayon kay Adrian E. Cristobal sa kanyang paunang salita ukol sa nobela, ang mga Pilipinong mag-aaral at distiyero noong panahon ng pananakop ay gumamit ng iba’t-ibang pamamaraan katulad ng pagpapakalat ng polyeto, pamamahayag, debate at oratoryo upang palaganapin ang kanilang bisyon at mithiing makabansa sa kanilang mga kababayan.

Etsa-Puwera Bilang Isang Akdang Moderno

Kung ihahambing mo sa ibang akda ang nobelang ito, maiisip mong may pagkakahawig ito sa ilang kuwentong moderno. Taglay din nito ang katangiang pinanghahawakan ng ibang akda (gaya ng “Ang Tikbalang” ni Tony Perez at “Kas” ni Honorio Bartolome de Dios). May kanya-kanya silang pinaghuhugutan ng panulat subalit may pagkakapare-pareho pa rin ang anyo at nilalaman ng kanilang obra. Kung kaya’t upang lalong mapatunayang modernong akda nga ang nobelang ito, minabuti naming iangkop ito sa pilosopiya ni Ihab Hassan ukol sa pitong sumpa ng modernismo.

i. Urbanismo
Walang ganitong bagay o konsepto sa isang tradisyunal na akda. Dumating ito sa bansa kasabay ng mga dayuhang mananakop. May sari-sarili silang pananaw ukol sa kung ano ang nararapat na sibilisasyong umusbong sa Pilipinas. Noong panahon ng mga Kastila, gaya ng nakatala sa akda, ito ang pangunahing layunin ng mga misyonero upang maituro sa mga katutubo ang dapat nilang malaman. Ipinakilala nila ang reduccion bilang simula ng maayos na sibilisasyon. Tinawag nila ang lahat ng tao at bininyagan sa ngalan ng Kristiyanismo. Pinahalik bilang simula pagkilala sa Kristo, sa Papa sa Roma, sa Hari ng Espanya. Maging mga taong-bundok o yaong mga do’n na lumaki’t nagkamalay ay isinama sa ibaba upang tuluyang maging ganap ang kolonisasyon sa bansa.

Sa ngalan ng urbanismo, tatlo ang dapat na yakapin ng mga katutubo – ang simbahan, pamahalaan at paaralan. Lahat ng maliliit na yunit ng lipunan na noo’y kilala bilang barangay ay tinayuan ng tatlong higanteng institusyong ito. Kailangan ang simbahan para sa kaluluwa at konsiyensiya na rin ng buong bayan. Kinatatakutan ito hindi lang sa kadahilanang impiyerno ang hantungan ng ‘di magpapasakop dito kundi sa hawak din nito ang halos lahat ng sikreto ng parokya (na nagaganap sa kumpisalan). Kaya nga nagtaka si Padre Kiko nang biglang walang nangumpisal sa mga katutubo dahil may binabalak pala itong himagsikan. Ikalawa, itinatag ang pamahalaan bilang sandigan ng lahat ng batas at regulasyon ng tao at ng simbahan. Maging ito’y sentralisado mula sa Hari ng Espanya, Viceroy ng Mehiko at Gobernador-Heneral ng bansa hanggang sa mga principalia at encomendero ng bawat lupain. Ang ikatlo at pinakamahalaga sa lahat ay ang institusyong magdudulot sa bayan ng pormal na edukasyon. Ito ang hahango sa kahirapan ng bawat taong magkakamit nito. Ang tatlong ito ay siya ring dala-dala ng mga Amerikano at Hapones ng tayo’y sakupin din nila. Kaiba nga lang sa mga Kastila dahil hatid sa’tin ng mga sumunod na dayuhan ang demokrasya, protestantismo at iba pang ideolohiya-ideolohiya.

ii. Teknolohismo
Tunay ngang inalipin ng teknolohismo ang mga katutubong kinabibilangan ng mga nuno ng Sion. Hindi alam ng mga Pilipino ang pinairal na divide et impera ng mga Kastila. Pinag-away-away sila at nang mapilayan ang isa’y parehong pinabagsak ng mga dayuhan ang dalawang paksyon. Malakas sila lalo na’t hawak nila ang kung anong bakal na pinuputukan ng lason sa kanilang katawan sang-ayon sa mga katutubong bihasa lamang sa mga itak at palaso. Bahagi lang ito ng modernong pag-iisip na patuloy na aalipin sa kanila hangga’t ‘di nila ito natututuhan ding gamitin.

iii. Dehumanisasyon
Sa isang akdang moderno, makikita mong may iba’t-ibang salamin ng pagkatao’ng nakikita ng ibang tauhan sa isang modernong indibidwal. Halimbawa: iba ang pagkakakilala kay Sion ng kanyang asawa, kumpara sa kapatid, ina, pamangkin, apo at iba pa. Kung sisinupin, parang napaghahati-hati ang kanyang pagkatao at ipinamimigay sa iba-ibang tauhan. At kung titingnan pa ang mas malaking larawang sumasakop sa sitwasyong ito ni Sion, halimbawa’y sipatin natin ang buong Pilipinas at mga Pilipino, tiyak kong masasabing iba ang pagkakakilala sa atin ng mga dayuhan sa ibang bansa – at, ito na’ng simula ng dehumanisasyon ng isang tauhan.

iv. Antinomiyanismo
Etsa-Puwera: mga Pilipino rin na kabahagi ng lipunan ngunit laging natatapakan, nakakaligtaan. Sa pamagat pa lamang, halata nang may bansag na kumakahon sa mga tauhan. Ito ang bansag na kailanma’y kanilang panghahawakan. Oo, tanggap nila ang ganitong taguri mula pa kay Oysang hanggang sa pamangkin ng Sion. Subalit ang pagiging etsa-puwera nila’y sa kanila na lang at di na maipapasa pa gayong may lahi pang susunod sa Sion – si Ebong. Minabuti ng batang Sion na burahin na sa kanyang pagkatao ang pagiging bahagi ng bansag na ito at itanim sa puso’ng alaalang minsa’y nanggaling siya sa angkan ng mga etsa-puwera. Tanggap man o hindi, ‘di pa rin niya matatakasan ang bansag na nagkahon sa kanilang angkan sa loob ng napakahabang taon.

v. Primitibismo
Ang pinakamagandang halimbawa ng manipestasyon ng pagiging primitibo ng ilang tauhan sa kuwento ay ang eksena nang kay Dune – ang panginoon ng mga Pulahanes. Alam nating nagulantang lang naman sila kaya’t agad-agad niyakap ang modernismo. Ang pagiging moderno nila ang nag-udyok sa kanilang bumalik sa nakagisnang pamumuhay. Ang aksyon ni Dionisio Balinghasay at mga katribo na bumalik sa tradisyunal na pananalangin, naging matagumpay man o hindi, ay di pa rin buung-buong maitutumbas sa tradisyunal. Makikita ito sa pagsambang ginawa nila sa mga anito, kasama ng mga imahen ng Katolisismo, dasal ng Kristiyanismo – mula sa Kastila, sa Papa sa Roma. Samakatuwid, anu’t-ano pa man ang gawin nilang pagtakas sa modernismo pabalik sa tradisyunal, makakarating sila don ngunit sa bisa ng pagiging primitibo lamang dahil mananatili pa rin silang mga modernong indibidwal.

vi. Erotisismo
Isang napakagandang halimbawa ng manipestasyon ng erotisismo sa akda ang pasyon ni Sion sa paghahabi ng kuwento sa banig at pagsasalin nito sa susunod pang lahi o inapo niya. Ito’y ‘di lang basta naging libangan niya kundi naging misyon na rin niya sa kaniyang buhay. Nais niyang ipabatid sa mga modernong indibidwal ang kanyang naging karanasan pati na ang kasaysayan ng lahi niya.

Liban dito, halos kapareho ng kalagayan ng mga Sion ang mga Tan-yan sa pagmamahal nila sa kasaysayan ng kanilang pinagmulang angkan. Pinili nilang maipatayo ang nuno nila ng bantayog sa plasa (nailipat sa simbahan) bilang pagbibigay-parangal sa kanya.

vii. Eksperimentasyon
Maaaring kilalanin bilang isang mapanghamong akda ang Etsa-Puwera ni Jun Cruz Reyes dahil sa taglay nitong kakaibang eksperimentasyon sa anyo at nilalaman na magbibigay kondisyon sa kung ano’ng tradisyunal at moderno. Sa kabuuan ng akda, hindi ba’t kakaiba ang naging tema nito kumpara sa iba pang akdang historikal o biyograpikal? Hindi mo rin kaya napansing halos lahat ng tala sa kasaysayan ng ating lipuna’y tungkol sa mga mayayaman, edukado at ilustrado?

Sa akdang ito, naging matapang si Jun Cruz Reyes na ilahad ang kuwento ng mga “bayani para sa kalayaan” na halos nalimutan na ng panahon – o kaya’y talagang nilimot na noon pa mang kapanahunan nila. Hindi natakot ang may-akda kung tatanggapin ba ito ng madlang mambabasa o hindi lalo na’t kaiba ito sa alam at nakagisnan nating bayaning Pilipino ngayon sakaling ilathala ito. Sabi nga madalas ng Sion: lumalaon bumubuti, sumasama kaysa dati. Ano kaya sa dalawa ang kalagayan ng mga etsa-puwerang tulad nila? At, sino naman kaya ‘yong isa?

Etsa-Puwera: Para sa Kanon ng Pambansang Panitikan?

Gamitin natin ang “Mga Hugis ng Kaisipang Filipino” (Patterns of Filipino Thoughts, 1989) ni Florentino Timbreza upang mapatunayang nararapat na makasama ang akdang ito sa kanon ng pambansang panitikan.

Ano ba ang tao? Hayop, gaya ng pagpatay ng mga Hapones sa mga anak ng Sion at iba pang tagabaryo. O, di hayop. Materyal. O ispiritwal gaya ng Dune. Baka naman isinilang upang mamatay gaya ng Sion. Ang pagiging tao’y isang mabigat na suliranin. Ang buhay ay isang kalituhan. Malaking hiwaga ang pagiging tao. Ilan lamang ‘yan sa napakaraming pilosopiya ng buhay. Kung gayon, ano nga ba ang tugon ng tao sa kanyang suliranin? Hindi siya mapalagay. Uhaw siya sa tunay na kahulugan ng kanyang buhay. Naghahanap siya ng kaliwanagan. Lahat nang iyan ay makikitang sinasalamin sa akda.

Ano ngayon ang pilosopiya ng buhay ng mga Pilipino? Ito ay kalipunan ng kanilang pananaw tungkol sa kalikasan ng buhay na hinulma ng dinamikong pakikibaka, pakikipagsapalaran at pakikisalamuha ng mga taong-bayan sa kanilang kapaligiran at sa iba’t-ibang kalagayang panlipunan, sampu ng kanilang kalikasang pambayolohiya na hinubog rin ng pangkasaysayang pagsulong.

Meron itong tatlong sangkap:
i. Pananaw ukol sa buhay ng tao sa daigdig
ii. Paniniwala ukol sa kabuluhan ng buhay
iii. Isang sistema ng pagpapahalaga na nagsasaad ng pamantayan para sa pagpapasya at paghuhusgang pang-asal

Isa pa, higit nating mapatutunayan ito kung susuriin ang ipanapakita ng akda ukol sa mga hugis ng kaisipang Filipino.

i. Pangako at Pagkatao
Sa mga Ilokano, “Ti sao isu ti rupa; ti kari isu ti sapata.” (Ang salita’y siyang mukha; ang pangako’y siyang panata.) Sa mga Ibanag, “No mangitabba ha dayom galaman ya nahataya.” (Karangalan mo ang nakataya kung mangako ka.) Sa angkang iniwan ng Sion, maging sa angkan ni Mrs. Meyor, mahalaga ang anumang bitiwang salita dahil katumbas nito’y kanilang pagkatao. Kung di nila ito tutuparin, magiging masama ang imahe o impresyon ng kapwa nila sa kanila.

ii. Pagbabalanse ng Kalikasan
Sa mga Pampango, “No apirdid inasin, bawian yed daing.” (Kung malugi sa bagoong, babawiin sa daing.) Sa Sion, para silang yin-yang. Magkabiyak na magkataliwas. Swerte-malas, bait-salbahe, ganda-pangit, init-lamig. Gano’n ang naging takbo ng relasyon nila ni Ildefonso. Sa Don ang sarap, sa Sion ang hirap. Lumalaon bumubuti, sumasama kaysa dati. Ngunit sa isang pintong mabubuksan, asahang sampu ang mabubuksan. Ganyan ang batas ng kalikasan.

iii. Diwang Pang-edukasyon
Para kay Ebong, ang aral ay kayamanang di mananakaw. Ito ang magbabalik ng kulay sa kanilang angkang binansagang etsa-puwera. Katulad siya ng mga Chabacano – “Tiene luz en pensamiento” at mga Igorot – “Ang kinaalam suga sa kaduluman” sa paniniwalang ilaw nga sa kadiliman ang kaalaman.

iv. Tuntuning Utang na Loob
Anumang kagandahang loob na ipinagkaloob mo sa iyong kapwa’y kailangang magagantihan ng kagandahang loob. Kilala ang mga Pilipino sa taglay nitong kabaitan.

v. Kaisipang Bahala Na (Bathala Na!)
Tradisyon na yatang maituturing ang wikang ito sa mga Pilipino. Lahat ng ‘di nila kayang masolusyunan ay ipinapasadiyos na lamang. Sa mga Ilokano, “Dios ti mangted kenka ti kaasi.” (Diyos nawa ang magdulot sa iyo ng awa.) Sa mga ninuno ng Sion, si Apo Kabunian na ang bahala sa kanilang kapalaran sakaling abutan ng kanilang buhay sa lupa ang sakuna o peligro.

vi. Kaisipang Kasi
Sa mga Cebuano, “Unsa ang tawo, maila sa iyang binuhatan.” (Makikilala ang tao sa kanyang gawa.) Sa akdang ito mismo, ang kilos, gawi at pananalita ng bawat tauhan ang nagtatakda sa kung anong uri o klaseng tauhan sila sa istorya.

vii. Kawikaang Makakaraos Din
Sa mga Ivatan, “Kumavus kan tindaw”; sa mga Tausug, “Makalahuyan da”; at, sa mga Ibanag, “Mapasatam galayyaw.” Ito marahil ang dahilan kung bakit nagmumukhang api ang mga Pilipino (lalo na ang mga etsa-puwerang Pilipino). Tinatanggap nila anumang gawin sa kanila ng ibang tao. Tanggap nila ang pagiging gayon: kabahagi ng lipunan pero laging tinatapakan.

Ilan pa sa mga pilosopiyang makikita sa akda na sumasalamin sa kaisipang Pilipino ay ang mga sumusunod:
viii. Ganyan lang [talaga] ang buhay
ix. Tayo’y tao lamang
x. Kasabihang Nakakahiya
xi. Konseptong Nariyan na ‘Yan
xii. Kawikaang Mamaya Na, Sayang at Pasensya Ka Na
xiii. Kaisipang Akala Ko, Titingnan Ko
xiv. Konseptong Wala kang Paki
xv. Kayang-kaya, Sana nga, Mayroon daw

Ang lahat ng pilosopiyang pangkaisipan ng bawat Pilipino na nabanggit dito ay iilan lamang kumpara sa napakaraming bilang nito na makikita sa akda. Ang mga ito ay nagpapatunay na ang “Etsa-Puwera” ni Jun Cruz Reyes ay nararapat lang na maisama sa kanon ng ating pambansang panitikan.

Etsa-Puwera Bilang Akdang Maka-bata

Ang bata, maging lalake o babae, ay malaking salik sa pagbuo ng mga tauhan sa akda, lalo’t ang paksa’y tumatalakay sa buhay-pampamilya. Siya ay maaaring maging tampulan ng biruan at tuwa tulad ng kuwentong “At lumaki si Ben” ni Genoveva Edroza-Matute. Siya’y maaaring kahabagan tulad ni Adong, ang batang pulubi sa kuwentong “Mabangis na Lungsod” ni Efren R. Abueg at ng batang lalaking naulila sa ama sa kuwentong “Bangkang Papel” ni Genoveva Edroza-Matute.

Malaking impluwensya ang nagagawa ng sikolohiyang pambata sa ating mga mambabasa. Nakikilala natin ang mga katangian at pangangailangan ng mga bata na magagamit nating puhunan sa pakikipag-usap o pakikipagkaibigan sa kanila. Sa pamamagitan ng pagtuklas sa nakakubling damdamin, nababatid natin ang kanilang mga hangarin o tunguhin sa buhay at ang kanilang mga pangarap.

Maraming mga manunulat ang isinasaalang-alang ang bata bilang pangunahing tauhan at/o punto de bista ng akda. Nangunguna rito si Genoveva Edroza-Matute. Sumunod sa kanyang mga yapak sina Efren Abueg, Lualhati Bautista, Jun Cruz Reyes at iba pa.

Sa akdang “Etsa-Puwera” ay inilarawan ng may-akda ang bata bilang inosente ngunit nag-aangkin ng mapanuring kaisipan. Ang mga samot-samot na pangyayaring naganap sa kanyang paligid ang nagpamulat sa murang isipan ng bata na naging daan upang siya’y hangaan ng mga mambabasa. Mula sa simula hanggang sa wakas ng akda ay ipinamulat ni Jun Cruz Reyes sa mga mambabasa na ang mga bata ay maaaring makabuo ng isang magandang imahen sa tunay na larawan ng lipunan.

Kung kaya’t nais namin ngayon ilapat sa nobelang ito ang awiting “Bulag, Pipi, Bingi” ni Freddie Aguilar bilang pagbibigay-pugay sa mga katangiang pinamalas ng mga etsa-puwera – mga bidang Pilipino.


Sa bawat yugto ng buhay, may wasto at may mali
Sa bawat nilalang ay may bulag, may pipi at may bingi

Madilim ang 'yong paligid, hating-gabing walang hanggan
Anyo at kulay ng mundo sa 'yo'y pinagkaitan
H'wag mabahala, kaibigan, isinilang ka mang ganyan
Isang bulag sa kamunduhan, ligtas ka sa kasalanan

KORO
'Di nalalayo sa 'yo ang tunay na mundo
Marami sa ami'y nabubuhay nang tulad mo
'Di makita, 'di madinig, minsa'y nauutal
Patungo sa hinahangad na buhay na banal

Ibigin mo mang umawit, hindi mo makuhang gawin
Sigaw ng puso't damdamin wala sa 'yong pumapansin
Sampung daliri, kaibigan, d'yan ka nila pakikinggan
Pipi ka man nang isinilang, dakila ka sa sinuman

[Ulitin ang KORO]
AD LIB

Ano sa 'yo ang musika, sa 'yo ba'y mahalaga
Matahimik mong paligid, awitan ay 'di madinig
Mapalad ka, o kaibigan, napakaingay ng mundo
Sa isang binging katulad mo, walang daing, walang gulo

[Ulitin ang KORO]

'Di makita, 'di madinig, minsa'y nauutal
Patungo sa hinahangad na buhay na banal


At bilang pagbubuod, ano nga kaya ang mga etsa-puwerang tulad nina Dune, Sion at Ebong? Lumalaon bumubuti o sumasama kaysa dati? Ano kaya...

Friday, October 13, 2006

Kape’t Pandesal Po!


Magandang araw sa inyo, kaibigan. Kape’t pandesal po tayo. Keith Buenaventura po ng Fil11R. Pag-usapan po natin ang ugat ng tradisyon sa Pilipinas – katutubo, sinauna. Sabi nila: laging maiuugat ang tradisyunal sa karanasang katutubo, gaya ng makikita sa anyo’t nilalaman ng mga bugtong at salawikain. Ang panulaang ito’y nakasulat din ngunit nang dumating ang mga mananakop ay marami’ng sinunog na literatura. Kung susuriin naman ang kanilang anyo’t nilalaman, tunay ngang salamin ito ng tradisyon. Agad nating mahihinuhang kakaiba’ng naipamalas ng mga tao noon sa kanilang pagpapahalaga at pag-iisip. Bagama’t magkakaiba ang lengguwaheng gamit ng mga tao, ang kanilang panitika’y may iisang mensahe’t layunin pa rin.


Noong nakaraang kape’t pandesal, pinag-usapan natin ang bukal ng tradisyon, ang bugtong at salawikain. Ang unang layunin ng bugtong ay magbigay-kasiyahan sa mga tagapakinig at mga manlalaro. Sabi nga ng prof ko: pansinin n’yo na lang ‘yong


Kinain na’t naubos,
nabubuo pang lubos.



Sa unang taludtod, sinasabi ritong napapansin ng ating mga ninuno na ang bagay na ito’y laging nawawala. Ngunit sa sumunod na taludtod, magugulat kang ubos na’y nabubuo pa ri’ng lubos. Kung matamang iisipin, ang bagay na ito’y para lamang isang proseso ng pagbabago at pagbuo muli. Kaya ang sagot dito’y buwan. Dito makikitang noon pa ma’y malay na sila sa gamit ng sukat, tugma at talinghaga sa bawat taludtod. Kahit simple ang estraktura, dito nasusukat ang talino at kaalaman tungkol sa bayan – buhay at kalikasan. Isa pang halimbawa’y tungkol sa ulan na bagama[’]t taun-tao’y inaabangan ng mga magsasaka upang maging pandilig ng kanilang linang ay agad din naman nilang pinakakawalan pagkatapos mapakinabangan dahil masama kung sosobra ito:

Isang taong inabangan
Ng mahuli’y muling pinakawalan.



Ang salawikain at kasabihan sa isang banda’y nagpapakita ng asal, moralidad, pag-unawa sa ating mga ninuno. Ito’y nagbibigay-aral at nagbibigay-unawa sa mga pang-araw-araw na gawain. Halimbawa nito’y tungkol sa pagpapayong matutong kumilatis ng kaibigan.


Hangga’t may pera ka, marami’ng kasama,
Ngunit ‘pag wala na’y wala na rin sila.



Ang tanaga nama’y naglalaman ng pangaral at payak na pilosopiyang ginagamit ng matatanda sa pagpapagunita sa mga kabataan. Ito’y may apat na taludtod at pitong pantig sa iisang saknong. Halimbawa:


Magdalita ang niyog,
Huwag magpakatayog;
Kung ang uwang ay umuk-ok
Masasaid pati ubod



Magandang araw, aking igan. Kape’t pandesal po tayo. Heto po’ng palaman. Sa mga nakaraang pag-aaral natin, sinubukan nating balikan ang mga bugtong, salawikain at tanaga ng ating bayan. Taludtod? Ito ang pangunahing sangkap ng kanilang panulaan na mahalagang malinang lalo na sa kanyang sukat (bilang ng pantig) at tugma (tunog ng hulihang pantig). Talinghaga? Ito’y wastong paggamit ng mga salita na lumilinang sa kariktan ng taludtod. Ang dalawang ito’y taglay ng bawat akdang tradisyunal lalong-lalo na ang mga bugtong at salawikain. Ano ngayon ang pilosopiya ng buhay ng mga Pilipino na ipinapahiwatig sa’tin ng mga akdang gaya nito? Ito’y kalipunan ng kanilang pananaw tungkol sa kalikasan ng buhay na hinulma ng dinamikong pakikibaka, pakikipagsapalaran at pakikisalamuha ng mga taong-bayan sa kanilang kapaligiran at sa iba’t-ibang kalagayang panlipunan, sampu ng kanilang kalikasang pambayolohiya na hinubog din ng pangkasaysayang pagsulong.


Meron itong tatlong sangkap:
i. Pananaw ukol sa buhay ng tao sa daigdig
ii. Paniniwala ukol sa kabuluhan ng buhay
iii. Isang sistema ng pagpapahalaga na nagsasaad ng pamantayan para sa pagpapasya at paghuhusgang pang-asal


Igan, ang kalikasan ng bugtong at salawikain ay nabuo dahil sa mga sariling pananaw ng tao noon sa kanilang kalikasan (kasama na’ng kanilang katawan). Ito ang tunay na akdang tradisyunal na sa’ti’y ipinamana at inatas na linangin. Ang mga akdang ito’y tulad ng kape at pandesal na bagama’t sa umaga lang napakikinabanga’y salamin din ng kung ano ba talaga ang tradisyunal.#

Marka: A
Katatawanan sa Panitikan



Karanasan


Maraming pangyayari sa aking buhay na parang sinasadya at katawa-tawa. Mayo 29, 2004 – hindi ko akalaing iyon na pala ang araw na ako’y magiging isang ganap na artista sa teatro. Bakasyon noon nang bumuo ang samahan ng mga kabataang aking kinabibilangan ng isang dulang hango sa Les Miserables ni Victor Hugo na isinalin lamang sa Filipino. Kinailangan naming manood at makipanayam sa mga artista ng PETA. Umarte kami ng libre na napanood ng buong barangay.


Ano ang aking naging papel sa dula? Hindi ka maniniwalang ako ang bidang nagpapanggap, na isinalang sa hukuman dahil ang tunay na bida ay tumakas pala sa mga otoridad ilang taon na ang nakalilipas. Kung tutuusi’y isa lamang akong ekstra dahil di pa yata lumagpas sa limang minuto nang ako’y isalang sa entablado at nagpalit agad ng set. Pero ang eksenang iyon ay di pala basta ekstra, sabi ng aming direktor, kundi siyang tagapukaw sa atensyon ng mga manonood. Ganito kasi ang naging takbo ng eksena... Tanong ng abogado: “Hindi ba’t ikaw ang taong matagal na naming hinahanap? Ikaw si Jean val Jean.” Sinagot ko: “A-ako a-ay d-d-di n-nakakakain araw-araw. Ako’y nagugutom!” Matapos ang pagtatanghal, sinabi ng ilang kaibigan na naintindihan at nagustuhan nila ang dula. Bagay daw sa akin ang maging baliw.


Sumunod na taon, buwan din ng Mayo, sa wakas ay naitanghal na sa Rizal Mini Theater (RMT) ang aking isinulat na dula – ang “Aanga-anga” noong ako’y kabilang pa sa mga estudyanteng tinuruan ng Alay ni Ignacio (ANI). Kahit ibang grupo ang nagkamit ng mga gantimpala, masasabi kong ang aming dula ang tunay na panalo sapagkat napasaya namin ang mga manonood at naipahayag, kahit hindi man direkta, ang aming saloobin ukol sa ilang isyung panlipunan at pampulitika na sikat noon.


Dula


Magandang araw, kaibigan. Maghikab muna at mag-inat. Pinag-usapan natin ang naging karanasan ko sa dula. Sabi natin: yaong nakapagpapasaya sa mga manonood at nakapagpapahayag ng kanilang saloobin, maaaring maging maganda ang kahinatnan ng dula. Ngayon, nais kong pag-usapan natin ang dulang “Ang Aksidenteng Kamatayan Ng Isang Anarkista“ na napanood ko ilang linggo na ang nakalipas.


Kung pupunta ka sa Hilaga at Gitnang Pilipinas, ang CPP-NPA ang ’yong makakaharap. Sa Timog Pilipinas nama’y naroon ang MILF. Kabi-kabila ay mayroong anarkista ngunit mahirap hnapin lalo na’t nagtatago sila. Para saan daw ang batas kung hindi naman tayo nagkakapantay-pantay.


Ipinabatid ng dula ang ilang kakatwang kalagayan ng ating mga kinikilalang tagapagbantayog ng batas at demokrasya – ang militar at ang kapulisan. Ngayon ko lamang natimbang kung gaano sila makapangyarihan. Kayang-kaya nilang mapagbali-baligtad at gawing kaaya-aya ang bahong naaamoy ng madla sa kanilang institusyon. Kalaban man o kakampi, kahit mga inosenteng sibilyan ay hindi nila agad-agad pinagkakatiwalaan. Mas tuso pa yata sila sa lahat ng tuso sa mundo. At ngayon ko lamang lubusang naunawaan ang tunay na problema ng bansa (hindi lahat dahil marami pa tayong di-nalalamang problema) na itinatago ng nakatataas. Ginagamit lang nila itong taktika upang patuloy silang manatili sa nararapat daw nilang kalagyan.


Krisis?


Magandang araw muli, kaibigan. Humikab muna saka mag-inat. Magpatuloy tayo sa pag-aaral ng dula. Nakakatakot ang krisis: parang nawawalan tayo ng loob o niyayanig tayo ng takot. Parang mga heneral sa dula, matapos malamang bubuksan muli ang imbestigasyon ng pagkamatay ng isang anarkista at anong nangyari sa kanila? Lumubog pero hindi sila nawalan ng pananaw sa pag-asa. Nalaman ko ang tunay nilang pagkatao matapos kong makitang dumaan sila sa ganoong krisis. Ganoon ko sila tinitingnan at kinikilala bilang tauhan. At dito naman lumabas sa dula ang isang tauhang siyang dahilan ng ating pagtawa.


Ganyan din ang krisis na kailangang kabakahin ng ating panitikan sa kasalukuyan. Patuloy ngang umuusbong ang mga mayayabong na nating manunulat ngunit para saan pa ito kung walang pumapansin sa kanila kundi sila-sila rin. Kung ang programang “Eat, Bulaga!" ay patuloy na mamamayagpag hangga’t mayroong mga bata, ganoon din dapat ang panitikan, ang dula. At ito nga ang nais kong ipabatid – gaya ng mga programang gustong-gusto ng mga kabataang siyang dapat sumunod sa yapak ng mabubunying manunulat – unahin natin ang pagpukaw sa kanilang atensyon. Bigyan sila ng pagkakataong itampok ang para sa kanila’y kaaya-ayang panitikan habang sila’y sinusubaybayan.


Katatawanan


Magandang araw, kaibigan. Noong nakaraang paghikab at pag-iinat, pinag-usapan natin ang krisis na siyang nagpapakilala sa ating pagkatao. Ngayon, isipin natin ang isusulat para bukas bilang binhi. May binhing tinuka ng ibon, may napunta sa mababaw na lupa at nasunog sa araw, may mga nasukal sa dawagan. Pero may binhi na nahulog sa matabang lupa at namunga at namunga. Gaya ng katatawanan – ito ay isang mabisang sangkap na kailangan sa dula upang maibigay nito ang ekspektasyon ng kanyang mga manonood, ang humalakhak, matuwa, at makuntento o masiyahan sa pagtatanghal. Ngunit wala ring dapat ikatakot ang mga mandudula sa malaking posibilidad na matulad sa Daily Tribune nang ibaba ang PD 1017. Ang prinsipyo at paninindigan ang dapat nakataya sa bawat inakda tulad nina Aurelio Tolentino (Kahapon, Ngayon at Bukas), Pete Lacaba (Prometheus Unbound), Jun Cruz Reyes (Utos ng Hari) at iba pa.


Sabi ni Gat Jose Rizal, ako ba’y matsing o pagong? Ang matsing ay nagmamadali, inuubos ang saging na nakabitin, hindi nag-iisip ng bukas. Ang pagong ay mabagal pero nagtatanim, namumunga. Tumatagal. Nag-iipon, nagtatabi para sa pangangailangan hindi lamang ngayon, ngunit kasama rin ang bukas. At habang tinatahak natin ang landas ng pagong sa pagsulat ng dula, ayos lang na isipin din natin ang magandang paraan ng pagpapahayag ng ating nararamdaman sa ilang isyung sa ati’y bumabagabag.


Kung sawa na tayo sa aksyon at drama, idaan natin sa komedya. Ang kagalingan sa panitikan ay isang misyong kailangang palaganapin. At ito ang responsibilidad na imulat ang kapwa sa kung ano ang tama o mali. Walang masama kung gagamitin natin ang bisa ng katatawanan sa dula dahil nasa panahon tayo ng paggamit ng kahit anong pamamaraan ng pagdulog sa panitikan na alam nating kaaya-aya. Ang mahalaga’y maimulat natin sa ating kapwa ang tunay na pagpapahalaga sa paggamit nito.


Pambansang Panitikan


Magandang araw, aking igan. Sa nakaraang paghikab at pag-iinat, pinag-usapan natin ang katatawanan ayon sa dula bilang isang binhi, at bilang pagong. Kaya siguro nakakapagpapagaan ng loob sa mga Pilipino na tayo ay mapili bilang isa sa mga pinakamasasayahing tao sa buong mundo anuman ang ating problemang dinadala o kinakaharap. Ngayo’y nararapat lang o maaari na nating lagumin ang ating mga napag-usapan.


Ang katatawanan ay isang mabisang sangkap ng panitikan na kinakailangang maisama sa bawat akda dahil ito ang tutulong na magmukhang kaaya-aya at di-kabagot-bagot ang akda. Ito ang pinakasimple niyang trabaho sa panitikan – ang gawin itong maganda, may dating sa paningin ng bawat mambabasa. Ikalawa, ang katatawanan ay maaaring gamitin sa pagpapahayag ng ating mga damdamin o saloobin. Alam nyo naman siguro ang katangian ng mga Pinoy, dala ng ganap na demokrasya at ng kanilang kapusuka’y mahilig silang maglabas ng kanilang nasasaloob na kadalsa’y sama ng loob. Sa pamamagitan nito ay maisisiwalat natin ang ating nararamdaman ngunit nararapat pa ring isipin natin ang maaaring maramdaman ng tao o grupo ng taong ating pinatatamaan. Subalit hindi lang nagagamit ang katatawanan sa paninira o pamumuna, maaari rin natin itong gamitin upang ipabatid ang tamang pagpapahalaga sa panitikan at iba pang disiplina ng ating pag-aaral.


Ang panitikan ay masasabing maganda kung nagtataglay ito ng tama at naaayong sangkap na siyang bubuhay dito. Sa madaling sabi, ang panitikan, sa pagdaan ng panahon, ay di pa rin masasabing perpekto. Nangangailangan pa ito ng napakahabang panahon ng pagsusuri, paggamit at pag-aaral upang maipakita ang pinakamaganda nitong porma at anyo. Ang paggamit ng katatawanan sa dula at iba pang akdang-pampanitikan ay isa lamang sa napakaraming paraan ng pagpapaganda sa akda. Ngayong napag-aralan na natin ang mensaheng hated ng dula, nararapat na sigurong magsanay na tayo ng paggamit dito...




Panginoon, salamat po at nagawa kong mailabas ang aking tunay na nararamdaman. Nawa’y matutunan naming lahat ang diwa at tunay na pagpapahalaga sa katatawanan bilang sangkap ng aming pambansang panitikan. Naghahanap po ako ng gabay sa maraming desisyon ng aking buhay na minsa’y masalimuot at magusot. Salamat po sa hamong ito. Anumang natutunan ko dito ay ibabahagi ko sa iba. Tulungan niyo po kaming maunawaan ang tunay na kahalagahan ng pagdarasal. Amen.