Saturday, June 09, 2007


Klas Piktyur



Halos limang taon na
ang nakalipas
mula nang ako’y huling
tumuntong sa high school
building na aking pinasukan
Naroon


si Bertong mukhang ilalamay
sa suot niyang polo- barong;
pusturang- pustura
si Juan sa tabi ni Simon,
nakangisi sina Jose, Angelito’t Caloy
na aking mga katropa,
napagigitnaan nila
ang tangi’t walang kasingkupas
na ako. Sa ibaba,

naroon si
Marinang aking crush na kabigha-bighani, si
Ariel na nagtayuan ang buhok sa ipinahid na gel, si
Roger na kapustahan ko sa DOTA, si
Corang tagalakad ko kay Marina, si
Emil na aking matalik na karibal.


Naroon din
ang aming gurong sobrang kapal
kung siya’y magmake-up,
sa bilang niyang tatlo
lahat ay ngingiti sabi ni manong
potograper.


Natatandaan ko, halos isang
linggo na mula nang aking linisin
ang mga abubot kasama ng agiw
sa bahay na aking lilisanin.


Luma na at nanlalabo marahil
sa dilim ang mga mukha
sa huli kong klas
piktyur. Sa isip-isip ko,
Nasa’n na kaya sila ngayon?
Sina Juang matador, Simong magsasaka,
Bertong karpintero, Joseng tagawalis,
Sabungerong si Roger at parloristang si Cora.
Sadyang likas na nga ba
Itong kapalaran mula nang ipanganak?


Sumbatan ko man
ang aking sarili, huli
na ang lahat! Sisihin ko man
ang aking sarili, wala
na rin akong magagawa.
Ang bobo ay hindi bobo. Minsan.
Sa bandang huli, ang bobo ang mananalo.
Pero ang bobong nagpakabobo, buhay pa
ay inuuod na ang utak sa kalsada.


Kaya ikaw Ineng, alalahanin mong hindi
bobo ang Diyos. Dumaan man
ang bagyo sa iyong harapan, isipin mong
ikaw’y malakas. Para saan pa
ang klas piktyur mo ngayong
second year kung hindi mo masusundan
pagtungtong ng third year?
Basta’t baguhin mo
ang iyong kapalaran, kahit huwag mo nang alalahanin
kami ng iyong ina.