Sa Pasilyo
Sa tuwing nakikita kita, kahit dalawampung metro pa ang layo, laging may dagundong na bumabalot sa aking dibdib. Sintigang naman ng disyerto itong lalamunan ko.
Sana’y maaari tayong makapag-usap. Sapat na marahil ang kalahating oras para matanong ka tungkol sa iyong personal na buhay, maikuwento sa iyo ang personal kong buhay, at higit sa lahat ng ninanais ko – maipaliwanag sa iyo itong kung anong pagkabagabag na lagi kong nasasalubong sa tuwing nagtatagpo ang ating daraanan.
Samantala, umikli na sa sampung metro ang ating pagitan. Paano kaya kita kakausapin? Ano kaya ang dapat kong sabihin?
“Magandang hapon. Maaari bang humingi sa iyo ng pabor? Puwede ba tayong mag-usap? Kahit kalahating oras lang.”
Nakakahiya. Baka mapagkamalan mo pa akong salesman na nangungulit sa isang kliyente. Baka tawanan mo lang ako.
“Patawad, pero, alam mo ba kung saan ang faculty room ni Bb. Rosales, ‘yong titser sa Ingles?”
Nakakatawa. Hindi ako dapat magsalita ng ganito. Baka hindi mo ako sagutin. Sino ba namang estudyante rito ang hindi nakaaalam sa nag-iisang silid ng mga guro? Baka isnabin mo lang ako.
Siguro, nararapat lamang na sabihin ko ang totoo.
“Magandang hapon. Alam mo bang lagi kong inaabangan ang pagdaan mo rito sa pasilyo? Sa ikatlong palapag ka, tama ba? Dito naman ako...Hindi siguro tama’ng aminin ko sa iyong minamahal kita dahil hindi mo naman ako paniniwalaan. Hindi iyon uubra. Pero kung sakali mang dumating ang panahong nanaisin mo nang marinig ang mga salitang iyon, lagi lang akong nag-aabang dito.”
Hindi. Hindi mo naman paniniwalaan ang pinagsasabi ko. O kung sakali man, baka hindi ka na dumaan pa rito. “Sori,” baka sabihin mo, “ako nga ang mahal mo pero hindi ikaw ang para sa akin talaga.” Baka ikatigil pa ng pagtibok nitong puso ko anuman ang sagot na ibigay mo. Baka nga hindi ako makarekober sa ganitong problema. Ni kailanman.
Malapit na ngang magkurus ang daraanan natin pababa sa hagdanang saksi sa sapot nitong aking mga damdamin. Tatlong metro, dalawang metro, isang metro: bum! Parang may ugat na napatid sa gitna ng puso kong nag-aalab. Naglakad ako pabalik, tumakbo at naghanap sa iyo muli sa dagsang pulutong ng mga estudyanteng nagmamadaling makalabas na tila mga langgam ngunit para kang bulang kaybilis mawala.
Lagi iyong nangyayari. Hinding-hindi ko madala ang aking sarili na makipag-usap sa’yo.
Isang magandang umaga, nasulyapan kitang muli sa paborito kong pasilyo. Nakaramdam ulit ako ng dagundong sa aking dibdib. Isang malungkot na senaryo ang agad tumambad sa aking isipan – na walang sali-salita’y bigla kang naglaho sa pulutong nang magtagpo tayo sa pasilyo. Kailanman.
Bigla akong kinilabutan nang makita kong papalapit ka na. Ayaw kong bigla kang mawala. Tatakbo ako – papalayo sa’yo. Ayaw kitang maglalaho. Tatakbo ako.
Ilang saglit pa lamang, napalingon ako. Hinding-hindi ko maipagkakamali ang boses na narinig ko.
“Sobrang lungkot ng istorya sa pader, hindi ba? Alam mo, saksi rin ang pasilyo sa mga nararamdaman ko.”
Oo, iyan nga. Iyan rin sana ang balak kong sabihin sa iyo.