Thursday, January 04, 2007

Panggulo Naispatang Nagtsa-ChaCha sa Kongreso

ni Keithakits S.A. McDo

Halos tulog na ang lahat ng sambayanang Pilipino samantalang nagkakaroon ng isang sayawan sa Kongreso: cha-cha.

Wala man sa plano ng Panggulo na dumalo sa sayawan kahit disoras na ng gabi at may napapabalitang sakit siya upang makipagsayaw lamang ng Cha-Cha, pinili pa rin niyang dumalo sa nasabing pagtitipon nang di nalalaman ng palasyo sa pamamagitan ng pagtalon sa bakod ng bintana niya kasama ang kanyang asawa. Masyadong naging sentimental ang usapan ng mga nagsidalong opisyal sa bawat pagitan ng cha-cha. Sa labas pa lang ng session hall na siyang pinagdarausan ng pagdiriwang, mahigpit na ang seguridad at namimigay ng mga freebies sa bagong dating.

Isa sa narinig na usapan ng Panggulo at ng isang high-profile na kongresista (minabuting hindi kilalanin upang ‘di siya matalo sa eleksyon) ay ang tungkol sa pagbibigay nila ng daan sa oposisyon ng napipintong 2007 elections kahit siguradong malalampaso ang malakas nilang partido Lakas. Samantala, nakita naman ang ilang kongresista na natutulog at nagmumukmok sa isang sulok dahil hindi nila matanggap ang pagkatalo ng kanilang alas sa desisyong 8-7 ng Korte Suprema kontra sa People’s Initiative [initiative- pangngalan; nangangahulugang pamimilit, pagpapaPIRMA; mula sa Glorian Dictionary].

Katulad ng pagdiriwang noong Nobyembre 1994, nadagdagan na naman ng tinik sa lalamunan sina House Speaker Jose de Venecia at mga kaalyado niya sa katauhan muli ng Korte Suprema. Maging si DATIng Panggulong Ramos ay nawalan na yata ng gana sa Cha-cha. Pero, di pa siya magreretiro, bagkus ay boogie na lang ang sasayawin niya.

Ayon naman sa usapan ng Panggulo at ng Speaker, hinding-hindi nila umano isusuko ng basta-basta ang Cha-cha dahil bahagi ito ng plataporma-de-gobierno ng Panggulong Arroyo. Ayon pa sa amoy-tsikong Press Secretary Ignacio Bunye, malaking-malaking-malaki ang maitutulong ng Cha-cha sa ikauunlad ng pamumuhay ng mamamayang Pilipino. Isa pa, hindi raw totoo ang sabi-sabing peke ang mga pirma ng pagsuporta sa Cha-cha gayong hindi naman nila itinawag ito kay Garci kundi sa bawat tagapamahala ng lokal na pamahalaan.

Nadawit pa sa usapan nila ang tngkol sa panukala ng ilang senador na makabubuting iabandona na ang Cha-cha o ipapatay ito sa lalong madaling panahon at sa halip ay hayaang maidaos muna ang nasabing halalan. Pinaboran naman ito ni House Majority Leader Prospero Nograles ngunit dapat din umanong sumali ang mga senador sa saliw ng kanilang Cha-cha pagkatapos na pagkatapos ng halalan.

Samantala, sabi naman ng lasing nang Panggulo habang nire-record ng ilang reporters at field journalists: “Wala talaga akong nakikitang pagbabago. Tulad nang nagdaang taon: cha-cha, pandaraya, panggigipit… Ngunit alam kong iisa lamang ang kahulugan ng mga iyon. Alam ko.” At, nagtawanan ang mga nakarinig sa sinabi ng Panggulo. Hindi raw nila akalaing malalasing ang Panggulo ng gayon. Nasa youtube ang na-wiretapped na usapan ng Panggulo at ng ilang Kongresista.