Tuesday, September 19, 2006

Paglisan

Sinong makapagsasabing ito na pala ang pinakamahalagang araw ng aking buhay, mga kaibigan. Ito na marahil ang pagkakataong aking pinakahihintay. Ang pag-ibig na siyang dumadaloy sa aking puso’y patuloy pa ring nagsusumamong huwag kong ituloy ang binabalak. Ngunit, ito lamang ang tanging paraan ng aking pagwalay sa inyo. Ang bawat samo ng aking puso ay di lang naman, kaya magalak pa rin kayo, naghahangad ng katiting lamang na kabutihan.

Ang pag-asa sa aking puso’y patuloy pa rin namang bubukal upang kahit papano’y kayo’y maalalayan sa inyong pagdaing.

Isang paglisang walang katumbas na kaligayahan ang sa inyo’y maiiwan dahil alam kong mahalaga ako sa inyo gayong ako’y nagkakamali, nagkakasala.

Ang pagiging tunay ninyo sa sarili bilang aking katuwang sa hirap at sa ginhawa ang aking dadalhin sa hukay ng walang hanggang pag-ibig...

Sa pagkakataong ito’y nais kong maipabatid sa inyo aking mga minamahal na kapamilya, kamag-anak ang taus-puso kong pagbibigay-galang at pagpupugay sa inyong walang sawang pagtangkilik sa aking potensyal at kahinaan. Gayundin kayo aking kaibigan...

Sa bawat pagsipol ng ibon sa papawirin...huwag n’yo sanang makalimutan ang isang nilalang na sa inyo’y umaalala, umiibig.

Gaya ng aking paboritong awitin...

“Kung ang lahat ay may katapusan,
Itong paglalakbay ay makakarating rin sa paroroonan,
At sa’yong paglisan ang tanging pabaon lang...
Ay pag-ibig...”


‘Yan sana ang inyong tatandaan sa oras na inyong maramdaman ang aking presensya at matutuwa kayong maalala ang isang nilalang na walang ninais kundi mapasaya ang kanyang minamahal...

Ang pagsisikap ko sana’y maging pagsisikap n’yo rin. Ang paninindigan ko nawa’y maging paninindigan n’yo rin. Ang pag-ibig ko’y maging pag-ibig n’yo rin, sana...

Sa bawat yugto ng buhay, alam kong may makakasama, makakaisa, makakaibigan ang isang tao...Itong pananaw ko sana’y maging inyo rin nang hindi niyo nawa damdamin ang paglisan ng isang taong talaga namang mawawala sa inyong piling. Tanggap ko...Sana’y kayo rin po...

Ang pagkakaisa ng ating damdamin ang magtuturo sa akin ng tunay na daan sa walang hanggang kaligtasan. Doon ko kayo aabangan sampu ng mga magiging bago kong kaibigan. Tandaan n’yong kahit may bago na sa buhay ko’y ‘di ko pa rin kayo malilimutan. Ang mga taong tulad niyo’y may malaki nang puwang sa aking puso.

Nawa’y ang buhay kong ito’y magtapos kasabay ng pagsisimula ng aking tunay na pangarap...ang manatili sa inyong piling sa kahit na anong oras...

Huwag n’yong lilimuting naririto pa rin ako sa tabi n’yo. Ang akin ay sa inyo.

At, gaya ko:

Iba-iba ang diskarte ng mga tao kapag may kinakakaharap na problema. Sabagay, depende rin naman kasi kung anong uri o klase ng problema ang nandiyan, hindi ba?

Kapag student-level ang problema: nangongopya, nagpupuyat, nagdadasal na sana’y bumagyo o bumaha, umiiyak, pinapasugod ang titser sa nanay, hinahampas ang sarili ng scientific calculator, cramming, nagpapakyut sa crush, nag-iistayl bulok sa crush, umuutang ng pamasahe sa blockmate, nangungulit sa titser para maambunan ng partial points, sinisiraan ang titser, nagli-leave of absence, nagdadrop, kumukuha ng removals...

Kapag problema na kailangan lang ng dibersyon: nagyoyosi, umiinom ng alak, nagdadrugs, nambabae, nanlalalaki, nambababae at nanlalalaki, tumataya sa lotto, tumataya sa jueteng, nagpaplanong mag-Boracay, nagbablog, nagsashopping, nagwiwindow shopping, nagwawaldas, kumakain ng marami, nagdidiyeta, nagpupunta sa gym, nagpapa-spa, nagpapagupit, nagpapalong hair, sumasayaw, kumakanta, nagwawala...

Kapag problema na mayroong kaugnayan sa trabaho: nagko-coffee break, nagyoyosi break (ke smoker o hindi), nagreresign, naghahanap ng malilipatang trabaho, nag-aabsent, biglang nagkakasakit (pero naglalakwatsa naman), naghahanap ng ikababagsak ng boss at ng kompanya...

Kapag lablayp (o lack of) ang problema: nagdedeny, nangangarap, nakikipagbreak, nakikipag-one night stand, nakikipagphone pal/chat/email pal/blog pal, naghihintay, naiinip sa mga wirdo, malalinta at @)(*!&)$&@ mga lalaking ‘yan...

Kapag problema na nangangailangan ng masusing pag-iisip: nagmumukmok, dedma, nag-iisip ng solusyon, nagpaplano at makakalimutan ang plano, nagpapalano at ipatutupad ang plano, nagrereklamo pero wala namang ginagawang solusyon, natutulog, nagbabakasakaling bigla na lang ma-solve ang problema mag-isa, nagdadasal, nagsisimba, nagnonobena, nagpapakabait, nagwiwish-upon-a-star...

At kapag isang pamamaalam ang pinoproblema dahil may mga taong sadyang hindi mahagilap kahit na alam na nga nilang kailangang-kailangan mo ang gabay nila sa iyong pagpanaw: magpopost ng blog entry...magpaplano ng uri ng pamamaalam...

(Hindi man lahat ng aking nabanggit na solusyon sa problema ay tunay kong nagawa o naramdaman, salamat dahil kayo ang nagbigay ng liwanag sa aking buhay...)

Panginoon, salamat dahil binigyan mo ako ng pagkakataong ilahad ang aking tunay na nararamdaman...alam kong kayo ang higit na makapangyayari sa lahat ng tamang plano sa akin at sa lahat ng buhay sa lupa...Nawa’y...Salamat...Salamat...sa lahat,...paalam...

Monday, September 11, 2006

Isang Sulyap sa Taunang Lamayan sa Kongreso: Ang Impeachment

Mukhang naulit na naman ang kasaysayan ng bansa at sa pagkakataong ito’y ang pagbasura ng mayorya ng Kamara de Representante sa inihaing impeachment case laban kay Pangulong Arroyo sa taong ito. Hindi maikakaila ang bilang at puwersa ng mayorya (binubuo ng mga kongresistang pabor kay Gloria) kumpara sa minorya (sinasabing oposisyonista ng Malacañang) noong nakaraang botohan nila ukol sa pag-apruba o pagbasura sa impeachment.

Ang pag-asang maipabatid ang katotohanan sa mamamayang Pilipino ay mistulang umikli at muntik pang masaid nang ang lumabas na resulta’y 173-32, panalo ang grupong kontra-impeachment.

Katulad noong nakaraang taon, ang mga hinalal ng taumbayan na kanilang magiging representante sa Kamara ang nagsiboto para sa ikauusad o ikatitigil ng akusasyon sa pangulo. Katulad pa rin noon ang mga kasong isinampa laban sa pangulo gaya ng di-umano’y pandaraya niya sa eleksyong pampanguluhan noong Mayo 2004 at nadagdagan pa ang mga taong naghain nito.

Isa-isang nagsipaliwanagan ang mga nasa plenaryo ng kanilang boto na inabot ng humigit-kumulang walong oras.

May ilang nagpauna na marahil sa natunugan nilang aabutin ng kinaumagahan ang nasabing botohan.

Samantala, kanya-kanyang taktika sa pananalita at pagpapaliwanag ang ginamit ng mayorya gayundin ng minorya.

Mistulang ito ang botong hindi dapat makaligtaan ng kanilang buhay-kamara.

Isandaan at pitumpu’t tatlo (173) ang bumoto kontra sa impeachment ngayong taon kumpara sa isandaan at limampu’t walong (158) pumabor sa pagbasura ng impeachment ng House committee on Justice noong nakaraang taon.

Samantala, ang limampu’t isang (51) bilang ng pabor sa impeachment noong 2005 ay lalong bumaba sa tatlumpu’t dalawa (32) ngayong taon.

Kapansin-pansing labindalawa (12) sa tatlumpung (30) kongresistang lumiban sa botohan ng plenaryo ay mga kilalang tagapagtaguyod ng impeachment noong isang taon. Nangangahulugan kaya ito ng tuluyang paghina ng oposisyon sa kamara?

Hindi man kapani-paniwala (sa isang banda), labimpitong (17) oras ang itinagal ng nasabing sesyon bago tuluyang ma-“finis” ang usapin.

May karapatang magsaya ang mga pumabor kay Gloria dahil sa naihatid na naman nila sa libingan ang ikalawang kaso ng impeachment.

Ayon pa kay House Speaker Jose de Venecia, “Thank God common sense prevailed in this chamber.” Pagkakahon kaya ito sa mga oposisyonistang kongresista bilang aanga-angang halal ng tangang bayan? At sa kanila nararapat ang pork barrel, kung gayon?

Ang resultang ito ng nakaraang botohan ay nagpapaalala sa atin ng isang kongresong hindi yata kayang ilabas ang katotohanan. Hindi naman ang pangulo ang naglagay sa kanila sa kongreso kundi ang mga taumbayan ng kani-kanilang distrito ngunit mukhang may mas malaking utang-na-loob pa sila sa pangulo. Ang utang-na-loob na ito malamang ang nag-udyok sa kanilang proteksyunan ang pangulo laban sa iilang taong para sa kanila’y silang tunay na terorista ng bayan.

Anumang gawain ngayon ng Kongreso ay hindi madaling makalimutan lalo na’t ang eleksyon nila’y napapanahon na naman. Ito na marahil ang mabisang pagkakataon upang kilatisin ng mga botante ang kani-kanilang congressman.

Sa Mayo 2007 ay maaaring baguhin muli ang institusyong nagbasura sa impeachment. Hindi dapat tayo masilaw sa kinang ng kanilang mga pangako kundi sa kanilang karakter habang sila’y namumuno. Ang pag-asa ay muli na naming sisibol sa oras na lumabas ang katotohanan sa kongreso. Huwag lang sana itong mabahiran ng garapalang pandaraya at pandarambong.

Hindi ito magiging aksaya ng oras basta’t nalalaman nila ang kanilang ginagawa at kung para kanino itong kanilang ipuinaglalabang adhikain. Kung para sa pangulo, iisa lamang ang dahilan – ang suporta ng isang makapangyarihan (pork barrel, election funds, posisyon sa pamahalaan, at iba pa). Matuto sanang alamin ang tunay na layon ng bawat kongresista sa kanilang pagboto. Isipin sanang ang posisyong kanila ngayong hinahawakan ang siyang naatasang magdambana ng kalayaan at katotohanan.

Iisa man o hindi ang (ang mga) layunin ng bawat halal ng bayan, huwag sana itong maging hagdan nila tungo sa pansariling hangarin at pakinabang. Magbantay at magmasid. Walang hindi kayang supilin ang mga ilaw ng nagkakaisang pag-asa.

Higit sa lahat, nasasaatin kung dapat ba o hindi dapat palampasin ang ganitong pangyayari. Basta’t ang malinaw sa ati’y hindi dapat bigyan ng pagkakataong maghari ang iilan kung ang hatid nila’y katotohanang nababahiran ng kasinungalingan.

Ang katotohanan … lamang … ang nais… ng bayan…
Mukhang magandang ibalik muli ang sigla at mensahe ng awiting ito. Lalo na't napapanahon na naman ang Batas Militar.
Magkakaroon pa kaya niyan muli? Hindi natin masasabi...

LET IT BE

When I find myself in times of trouble
Mother Mary comes to me
Speaking words of wisdom, let it be.
And in my hour of darkness
She is standing right in front of me
Speaking words of wisdom, let it be.
Let it be, let it be.
Whisper words of wisdom, let it be.

And when the broken hearted people
Living in the world agree,
There will be an answer, let it be.
For though they may be parted there is
Still a chance that they will see
There will be an answer, let it be.
Let it be, let it be. Yeah
There will be an answer, let it be.

And when the night is cloudy,
There is still a light that shines on me,
Shine on until tomorrow, let it be.
I wake up to the sound of music
Mother Mary comes to me
Speaking words of wisdom, let it be.
Let it be, let it be.
There will be an answer, let it be.
Let it be, let it be,
Whisper words of wisdom, let it be.